Talino ng tao kayang higitan ng robots
SAPOL - Jarius Bondoc (Pilipino Star Ngayon) - August 23, 2019 - 12:00am

NAKA-147 predictions na si futurist Ray Kurzweil sa mga mangyayari; 86% ang nagkatotoo. Sa unang libro niyang “The Age of Intelligent Machines” nu’ng 1990, sinabi niya na babagsak ang Soviet Union dahil sa paglaganap ng fax machines at cell phones na magpapahina sa mga diktadurya. Nu’ng 2005 sinabi kay Kurzweil ni Mikhail Gorbachev na nagka-demokrasya nga sa Soviet states dahil sa pagpahina ng teknolohiya sa sentralisadong pamunuan.

Sa aklat ding ‘yun inanalisa ni Kurzweil batay sa chess software na tatalunin ng computers ang grandmasters sa taong 2000. Nu’ng 1997 dinaig si chess world champion Gary Kasparov ng Deep Blue computer ng IBM.

Pinaka-tanyag ang sinabi ni Kurzweil na matuling kakalat sa mundo ang Internet sa dekadang 1991-2000. Nu’ng 1990, 2.6 milyong tao lang sa mundo ang konektado, at malimit pa itong sumablay sa negosyo, research, at komunikasyon. Ngayon 3.2 bilyong tao, mahigit 56% na mundo, ay naka-wireless Internet connection.

Naka-sampung libro pa si Kurzweil, na director of engineering ng Google. Isang paulit-ulit na paksa niya ay ang paghigit ng talino ng robots -- artificial intelligence -- simula 2029. Hindi lang memorya ang galing ng computers, kundi pati imahinasyon sa pagdisenyo, precision sa paggawa, lalim sa pag-analisa, lawak ng pag-arok, at pagkamalikhain sa sining.

Hindi lang ‘yon. Sa taon 2045, ani Kurzweil, sasapit ang super-AI o “singularity”. Makakagawa ang matatalinong robots ng mas matatalino pa, at magbabago ang buhay sa mundo. Nakakatakot? Hindi, aniya. Magiging mas matatalas ding mag-isip ang tao, mas nakakatawa, mas malulusog, matiwasay ang buhay, at mapag-isip sa kabutihan ng iba.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

RAY KURZWEIL
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with