BITAG staff, biktima ng Dugo-Dugo!?

LIBU-LIBO na ang nabibiktima sa modus ng Dugo-Dugo. Kunwari may naaaksidente o ‘di kaya ay may namatay na kinakailangan ng agarang pagpapadala ng pera. Dahil sa awa, madadala ka. Pero ‘yun pala, naloko ka na.

Kahit sino puwedeng mabiktima. Sa katunayan nga, maging ang isa naming staff sa BITAG ay nabiktima. Malas lang niya dahil mali siya ng dinale.

August 4, 2019 nang mag-chat ang tito ni “Nicky” na aming Social Media Specialist upang pasikreto siyang magpadala ng P8,500 sa kamag-anak umano nilang namatay. Pending daw kasi ito sa ospital kaya kailangan agad ng pera. Ang instruction sa kanya, ipadala ang pera sa nagngangalang “Rommel Jumawid.” Kapareho ng apel­yido ng kanyang tito. Kaya naman noong hapon ding yon ay ipinadala niya agad ang P8,500.

Kinabukasan, humirit pang muli ang nagpapanggap niyang tito. Magpadala pa raw ng P7,000. Dito na siya nagduda kaya naman agad niyang chinat ang asawa ng tito niya upang kumpirmahin kung tito nga ba niya ang ka­usap niya.

Kumpirmado! Na-hack nga ang Facebook account ng tito niya at hindi na nila ito mabuksan. Agad siyang nakipag-ugnayan sa remittance center at napag-alaman nilang isang Andresa Mangyao ang tumangap ng pera sa kanila.

Nagkamali ang dorobo, BITAG staff ang biniktima niya. Kaya noong araw ding iyon ay agad tumulak ang BITAG Strike Force sa Rosario, Batangas. Sa pakikipagtulungan ng remittance center, ikinasa ang isang entrapment ope­ration. Pagdating sa target area, nag-abiso ang remittance center na hindi na raw kukunin ng suspek ang perang kini-claim nito. Nakatunog ang bruha na may naghihintay na patibong sa kanya.

Dahil dito, nagdesisyon ang aming team na tuntunin ang bahay ng suspek kasama ng Rosario Municipal Police. Sa presinto, todo tanggi si Andresa sa mga paratang laban sa kanya. Mayroon lang daw “Pau” na nag-uutos sa kanyang kunin ang pera mula sa remittance center.

Nang tanungin kung sino ang “Pau” na sinasabi niya nag-utos sa kanya ay hindi naman niya raw ito kilala. Hindi na rin niya ma-contact dahil iniwan na siya sa ere. Halatang kuwentong komiks lang! Ang matindi rito, mahigit tatlong buwan na raw nila itong ginagawa! Napakakapal talaga ng mukha!

Kahit ano pa mang paliguy-ligoy nitong dorobo na ‘to, the bottomline is, she is the one receiving the money. Sangkot pa rin siya sa nangyaring lokohan kaya naman hindi namin pinalipas ang araw na hindi siya naghihimas ng rehas. Sinampahan ng kasong estafa ang suspek na si Andresa Mangyao. Malas niya at sa lahat pa talaga ng dadalihin niya ay BITAG pa. Iba pag nagtrabaho ang BITAG.

Sakaling kayo’y nakakaamoy na binibiktima ng ganitong uring modus, huwag mag-atubiling tumakbo sa Pambansang Sumbungan, Aksyon Ora Mismo at kami na ang bahala!

Show comments