Hustisya ngayon: ‘Mabuti nga patayin na lahat sila’

“MABUTI’T pinatay na ‘yan!” Malimit bukambibig ‘yan nga­yon. Nagagalak ang ordinaryong tao sa pagpaslang ng pulis o vigilantes sa mga suspek sa krimen. “Suspek”, dahil hindi pa nalitis o nasentensiyahan ng husgado. Pinaghinalaan pa lang na nanggahasa o pumatay o nag­nakaw. Pero sinabi ng pulis na nanlaban kasi kaya pinasya nilang barilin siya bilang self-defense. O kaya’y sinabitan ng vigilantes ang bangkay ng karatula na nag­lilista ng mga umano’y sala ng suspek.

Kung ang mamamayan ay labis nang nabiktima ng krimen, nanaisin niyang mamatay na lahat ng kriminal -- miski suspek pa lang. Malamang kasi na ang biktima ay hindi nakamit ang hustisya. Maaring ang akusado ay malakas sa pulis, prosecutor o huwes; makapangyarihan kaya pinangilagan ng awtoridad; at mayaman kaya nakabayad ng abogado de kampanilya. Aburido ang biktima sa sitwasyon. Kapag nababalitaan niyang sina-”salvage” ang mga suspek, pakiramdam niya ay nalilipol ang kriminalidad. Pero naghihimutok pa rin ang kalooban.

Sa kabilang dako, merong suspek na napagdiskita­han lang. Pinagkamalang kriminal dahil sa hitsura o kilos, dayo o iba ang salita, makulit o napadaan lang sa crime scene. Labis-labis ang hinagpis ng pamilya dahil pinatay siya nang walang kamuwang-muwang. Mawawalan sila ng tiwala sa husgado. Baka magplano pa ng paghihiganti. Biktima rin sila ng krimen at kawalan ng hustisya.

Pinaka-mabuti na idaan sa proseso ang suspek. Im­bestigahan nang wasto, dakipin at ihabla, litisin at husgahan. Sa prosesong ‘yun mababatid ng biktima at pa­milya ng suspek kung meron o wala siyang sala. Magiging katanggap-tanggap ang pasya ng korte. Mapapanatag ang kalooban ng lahat na umandar ang sistema. Sabi nila imposible ‘yan; nais “patayin na lang agad”. Bahala na kung may sala o wala ang suspek.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments