Kudeta? ‘wag naman

IDARAOS na ang State of the Nation Address (SONA) ni Presidente Duterte sa pagbubukas ng magkasanib na session ng Kamara de Representante at Senado sa Lunes, Hulyo 22. Sa mga nakaiintindi sa takbo ng politics sa Kongreso, ito’y makapigil-hininga.

Hindi dadalo ang dalawang anak ng Pangulo na sina Davao City Mayor Sara Duterte at Vice Mayor Sebastian “Baste” Duterte at mayroon silang dahilan. Nag-leave of absence si Sara for health reason, samantalang si Baste ay hindi makaaalis sa Davao dahil pangungunahan niya ang pulong ng city council bilang Vice Mayor porke on official leave ang Mayora. Harinawang iyan nga ang dahilan at wala nang ibang mas malalim na rason.

Napapaisip ang marami. Balita kasi na hindi nila type si Taguig Rep. Alan Peter Cayetano na maging Speaker ng Kamara de Representante. At komo si Cayetano ang inen­dorso ng kanilang ama sa mataas na posisyon sa Kamara, maaaring umimbento na lang sila ng excuse para hindi ma­kadalo.

Sa kaso ni Paolo Duterte, hindi siya puwedeng ‘di dumalo dahil isa siyang Kongresista na nauna pa ngang inilutang na hahabol sa pagka-speaker para daw maalis ang impasse sa speakership. Dalawa ang pinapaboran ng Pangulo na mailuklok bilang Speaker: Si Cayetano at Rep. Lord Allan Velasco. 

Sa isang wise political move para walang samaan ng loob, pinayagan ng Pangulo ang term sharing para sa da­lawang Kongresista. Unang uupo si Cayetano, kasunod si Ve­lasco. Pero ayaw yata ng magkakapatid na Duterte ang setup. Pero iyan ang utos ni Tatay kaya wala silang magawa kundi humabi ng rason para ‘di makadalo.

Kung magkakagulo sa SONA para hadlangan ng ibang Kongresista ang pag-upo ni Cayetano, masasabi ng mga Duterte na wala silang kinalaman sa pangyayari. Para kay Presidente naman, puwede niyang sabihing tinupad niya ang pangako kay Cayetano pero wala siyang magagawa kung may mga kongresistang mag­lulunsad ng kudeta laban sa kanya bago pa man siya tuluyang maupo bilang Speaker.

Mahirap talaga ang politika. Sa rami ng pinapangakuan ng isang pulitiko, naiipit siya sa dulo kaya ang tawag sa politics ay “the art of compromise.” Pero bukod diyan, may mga nakatagong estratehiya para hindi siya masisi kung kailangang baliin niya ang pangako.

Show comments