Malaysia at China

MAY balita sa Malaysia kung saan kinuha ng gobyerno ang higit isang bilyong Ringgit o sa halagang $245-milyon mula sa account ng kompanyang China na gagawa sana ng dalawang mahahabang tubo ng langis at gas. Nasa $2.3-bilyon ang halaga ng dalawang proyekto. Ayon kay Malaysian Prime Minister Mahathir, hindi naman natapos ng China Petroleum Pipeline Engineering (CPP) ang mga proyekto kaya tama lang na kunin nila ang unang binayad. Hindi raw nila kinuha ang 13 porsiyento ng natapos na sa proyekto. Nasa 80 porsiyento na umano ang ibinayad na sa CPP.  

Ang dalawang proyekto ay inaprubahan noong 2016 sa ilalim ng administrasyon ni Najib Razak na nahaharap ngayon sa napakalaking kaso ng korapsyon. Kinansela ni Mahathir noong isang taon ang dalawang proyekto nang manalo siya sa halalan. Unang nagpahayag na pag-aaralan ang mga kontrata ng mga proyekto kung saan dehado ma­syado ang kanilang gobyerno. Kung maaari, bagong negosasyon ang nais sa mga kumpanyang China kundi kakanselahin na lang ang mga proyekto.

Maraming proyekto ang popondohan at gagawin umano­ ng mga kumpanyang China sa ilalim ng “Build, Build, Build” na programa ni Pangulong Duterte. Riles ng tren, mga dams, paliparan, tulay, kalsada at iba pa. Pero marami kaagad ang nagpahayag ng babala at pagtutol sa mga proyektong popondohan ng China at baka malagay lang sa “debt trap” ang bansa. Sana ang nangyari sa Malaysia ay hindi mangyari dito. Bilib na bilib pa naman ang administrasyong ito sa China na sana huwag namang pagsamantalahan.

Ang planong riles sa Mindanao ay hindi pa nakakatanggap ng pondo mula China kaya ang gobyerno na muna ang sasagot. Lumobo na nga ang halaga dahil nagbago na umano ang presyo ngayon. Nasa 130 porsiyento ang itinaas na inaprubahan naman ng NEDA. Saan kaya naging mahal? Anong aspeto ng proyekto ang lumobo nang husto? Naaalala ko tuloy ang mga salitang “bubukol ito” noong inimbistigahan ang ZTE/NBN. Buti at kinansela dahil nasiwalat na ang mga anomalya at korapsyon na naganap sa pagitan ng ilang opisyal ng gobyerno at ng China. 

Show comments