^

PSN Opinyon

Naghanap ng soulmate, nagmahal at umasa…scam lang pala!

BITAG - Ben Tulfo - Pilipino Star Ngayon

SA kabila ng mga babala sa telebisyon, radyo, diyaryo at social media, marami pa rin ang nabibiktima ng online romance scam. Marami pa rin ang umaasa’t naniniwalang makakahanap ng forever at soulmate sa pamamagitan ng internet lamang. Nakalulungkot, subalit ang kakahanap sa lintik na forever (kapartner) lalo na’t dayuhan pa ang gusto, ang puhunan ng mga dorobo para gatasan ang kanilang biktima. Kalimitang nahuhulog sa patibong, mga babaeng may edad na mula sa malalayong probinsiya.

Panigurado’t kabisado n’yo na ang estilo nitong mga nasa likod ng online romance scam. Pangunahing lambat, naguguwapuhan at naglalakihang katawan na kanilang pro­file photo sa iba’t ibang online dating apps. Kuwidaw, kung walang video chat at panay padala lang ng litrato, magtaka ka na, baka mas pangit pa yan sa iyong kapitbahay na kina­aasaran mo. Ang inaakala mong prince charming, putok sa buhong scammer pala. Pagkatapos makuha ang loob ng biktima, mauuwi sa ilang buwan na relasyon online. Kapag humantong na sa planong kasalan at pagbisita umano ni foreigner boyfriend kay Pinay girlfriend, umpisa na ng modus!

Dalawang magkaibang istorya ang dumating nitong nagdaang linggo sa aming Action Center. Ang mga biktima, isang taga-Cagayan at isang taga-Bulacan.

Si Aleng taga-Cagayan, nahulog ng tuluyan sa Ameri­kanong ka-video chat. Pinadalhan daw siya ng engagement ring pero naharang sa custom kaya pinagbabayad siya ng daang libong piso para makuha ang package. Ang siste, wala namang binibigay na tracking number na package si American boyfriend. Kinausap ko siya mismo sa video chat pero walang naisagot sa akin sa mga dokumentong hinahanap ko.

Si Ateng na taga-Bulacan naman, dumating daw ang British citizen na boyfriend sa Pinas. Hinold daw ito ng immigration sa Davao Airport dahil sa limpak-limpak na salaping dala. Isang nagpakilalang immigration officer ang tumatawag sa kanya dahil kailangan umanong piyansahan ang bf. Kung hindi siya magbabayad ay makakasuhan daw ito ng anti-money laundering. Bago pa siya pumunta sa BITAG, nakapagbigay na ang biktima ng P120,000. Ang dahilan kaya pumunta siya sa BITAG ay para ireklamo na ang immigration na panay ang hingi ng pera sa kanya’t ayaw pang palayain ang dayuhang nobyo.

This kind of scam  comes in many styles and forms but sometimes, different in substance and reactions from the victims. Ora mismo, nagsagawa kami ng imbestigasyon. Ayon mismo sa Bureau of Immigration Davao Office, walang Alex Mark o sinumang dayuhan na hinold sa Davao International Airport para sa kasong money laundering. Wala rin silang empleyadong Rizza Santos – hulog sa Bitag!

Diretso sa tanggapan ng Kagawaran ng Imigrasyon ang babala, tumataas ang istatistika ng mga namomodus. Walang dayuhang maho-hold dahil sa tinatawag na anti-money laundering, hindi ito saklaw ng ahensiya. Mga boss, mag-ingat! Walang masama sa paghahanap ng partner pero huwag basta-bastang makipag-relasyon sa mga nakikilala lang online. ‘Yang mga kriminal, target nila ang nasa malayo para hindi ma-bisto ang kanilang modus. Kung may pera nang sangkot, mag-dalawang isip. Nilagay ng Diyos ang utak na mas mataas sa puso kaya mas pairalin natin ito.  

Abangan sa Bitag Official YouTube channel kung paano nahulog sa aming BITAG ang dalawang online romance scam complaints na ito. Panooring mabuti, ikalat sa inyong mga kakilala at mag-ingat!

vuukle comment

BITAG

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with