^

PSN Opinyon

Isang malaking pagsuko

REPORT CARD - Ernesto P. Maceda Jr. - Pilipino Star Ngayon

TINULUYAN na ng Mababang Kapulungan ang huling hakbang bago ipasa ang panukalang lowering of the minimum age of criminal responsibility. Sa Committee on Justice, nagkabotohan na para mairekomenda sa plenaryo ang bagong minimum na 9 na taong gulang. Suportado ng koalisyon ng mayorya ang panukala. Iisa ang tumutol.

 Malaking isyu sa lipunan ang usapin na gawing res­ponsable ang menor de edad sa resulta ng kanyang mga gawain. Sa karaniwang unawa, ang isang bata ay walang sapat na talinong intindihin ang maaring kahinatnan ng kanyang kilos. Dahil dito, may mga batas tayo na ipinagbabawal ang pagbenta sa kanila ng sigarilyo at alak; hindi rin maaring papasukin sa sinehan kung saan sensitibong eksena ang pinalalabas. Hindi pa kuwalipikadong pumasok sa kontrata. Siyempre, bawal ipakasal hanggang umabot ng 18. Lalo nang hindi pa sila kuwalipikadong bumoto.

 Sa kabila nito ay tatangkain ng ating mga mambabatas na panagutin ang mga batang ito – mga grade 2, grade 3 – gaya ng pananagot ng nasa edad ng kriminal. Sa ilalim ng panukala, ang mga batang walang muwang na pilit nating­ pinuproteksyunan sa lahat ng larangan ay bigla nating papakawalan at hahayaang bunuin ang bunga ng kanilang hilaw na pagtanim.

 Habang ang malaking mayorya ng mundo ay malinaw na itinataas ang edad ng pananagutang kriminal, heto tayong­ baligtad naman ang patungo.

Ang mga pabor sa pagsasabatas ng amyendang ito ay nasusuya na sa pagsamantala ng mga sindikato sa kamangmangan ng mga menor de edad na nagagamit sa masamang hangarin. At oras mahuli, hindi rin napaparusahan dahil ligtas sa pananagutan. Subalit bakit ang solus­yon ay parusahan ang bata? Taliwas ito sa pag-unawa ng agham na hindi sapat ang kakayahan nito na intindihin ang kanyang ginagawa. Ang parusahan ay ang sindikato.

 Sa ganitong pag-iisip, wala na ring dahilan upang ituring na kakaibang kondisyon ang pagiging bata. Ok nang mangontrata, magpakasal, bumoto – wala nang bawal. Ang pagsasabatas ng panukalang ito ay pagsuko ng obligasyon ng estado na protektahan ang mga sektor na walang kakayanang tulungan ang sarili.

vuukle comment

MINIMUM AGE OF CRIMINAL RESPONSIBILITY

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with