^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Pabakunahan ang mga bata laban sa tigdas

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Pabakunahan ang mga bata laban sa tigdas

TUMAAS ang bilang ng mga batang nagkakatigdas. Ayon sa Department of Health (DOH), mula Enero hanggang Nobyembre ng taong ito, mahi­git 3,000 kaso ng tigdas (measles) ang naitala sa buong bansa. Mas mataas ito kaysa sa naitalang kaso noong nakaraang taon. Ayon sa DOH, 735 percent ang itinaas ng kaso ng tigdas kumpara sa 454 na kaso noong 2017. Umabot na umano sa 48 ang namamatay dahil sa tigdas. Pinakamataas ang kaso ng tigdas sa National Capital Region na may 739 at sinundan ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) NA 605 kaso.

Sabi ng isang DOH official, ang kawalan ng tiwala at takot sa bakuna ang dahilan kaya tumaas ang bilang ng mga nagkakatigdas. Marami umano sa mga magulang ang ayaw pabakunahan ang mga anak dahil sa takot na hatid ng Dengvaxia. Ang Dengvaxia ay bakuna laban sa dengue. Pero nagkaroon ng kontrobersiya makaraang maiulat ang pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia.

Sabi ng isang opisyal ng Philippine Foundation for Vaccination sa isang forum kamakailan, nawala na raw ang tigdas sa maraming bahagi ng bansa dahil sa pagbabakuna pero ngayon ay muli na namang nananalasa. Nakababahala raw ang ganitong nangyayari sapagkat nasa panganib ang mga batang magkakatigdas.

Dalawang dahilan ang sinabi ng opisyal kung bakit bumabalik sa dati ang pagkalat ng tigdas. Una ay ang pagiging scientifically illiterate ng mga Pili­pino at ikalawa ay ang takot sa Dengva­xia. Bu­maba umano ng 93 percent ang tiwala ng mamamayan sa bakuna dahil sa idinulot na kontrober­siya ng Dengvaxia. Dapat daw maibalik ang pag­ti­tiwala ng mga magulang sa pagbabakuna laban sa tigdas para mailigtas ang mga bata.

Nagkaroon ng dengue immunization noong Abril 2016 at 800 school children mula sa National Ca­pital Region, Central Luzon at Region 4 ang nabakunahan. Ang Dengvaxia ay binili ng Aquino admin sa halagang P3.5 bilyon sa Sanofi Pasteur. Pero noong Nobyembre 2017, sinabi ng Sanofi na magkakaroon ng severe dengue ang sinumang nabakunahan na hindi pa nagkaka-dengue. Nagkatotoo ang kanilang babala.

Ang dapat gawin ng DOH ay pawiin ang agam-agam ng mga magulang sa bakuna sa tigdas. Ipaliwanag na ligtas ito at hindi katulad ng Dengvaxia. Ipaunawa ang kahalagahan nito para mailigtas ang mga bata.

vuukle comment

DEPARTMENT OF HEALTH

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with