EDITORYAL - Mga illegal Chinese, na sangkot sa droga, hulihin!

HINDI lamang nang-aagaw ng trabaho ng mga Pinoy ang mga illegal Chinese, kundi sangkot din sila sa online gambling at illegal na droga. May mini-maintain silang shabu laboratory sa mga condominium.  Ang mga illegal Chinese din ang na­ngingidnap ng mga kapwa Chinese at pinatutubos nang malaking halaga ng pera. Ang karumal-dumal nilang ginagawa, pinapatay pa nila ang biktima makaraang makuha ang ransom, money.

Sabi ni NCRPO chief Dir. Guillermo Eleazar, hindi sila titigil hangga’t di nahuhuli ang mga illegal na Chinese. Noon nakaraang linggo, anim na illegal Chinese na kumidnap ng dalawang Taiwanese na hindi nakabayad ng utang ang inaresto nina Elea­zar sa Las Piñas City.

Kapansin-pansin ang pagdami ng mga illegal Chinese sa bansa ngayon. Sa pagdinig ng Senado, napag-alamang 200,000 ang bilang nila at karamihan ay illegal na nagtatrabaho. Napag-alaman din na ang karaniwang trabaho ng mga illegal Chinese sa bansa ay mga tagapagluto sa mga restawran na nasa malalaking mall. Pero mas marami ang mga Chinese worker na nasa konstruksiyon. Nanga­ngamba ang Senado na kung magpapatuloy ang pag­dagsa ng mga Chinese na ang iba ay nagpapanggap umanong turista, maaaring maagawan ng tra­baho ang mga Pilipino. Nais ng Senado na magkaroon ng crackdown sa mga illegal Chinese workers para matigil na ang pagdagsa ng mga ito. Banta rin sa seguridad ng bansa ang hindi mapigilang pagdagsa ng mga illegal Chinese.

Kailangan nang kumilos ang Department of Fo­reign Affairs at Bureau of Immigration sa pagdagsa ng mga illegal Chinese. Hindi na maganda ang nangyayari na ginagawang pugad ng mga illegal na gawain ang bansa gaya nang paggawa ng shabu at online gambling. Nararapat nang arestuhin ang mga ito at itapon pabalik sa kanilang bansa. Kamay na bakal na ang gamitin sa kanila.

Isang kapuri-puri, kahit na malapit si President Duterte sa mga Chinese, nagbigay siya ng direktiba na arestuhin ang mga illegal. Tiyakin lamang daw na mga illegal Chinese nga ang huhulihin at baka maapektuhan naman ang mga illegal Pinoy na kasalukuyang nasa China.

Show comments