Mga ‘rapist’ na pulis

Nakakatakot na ang mga napapabalitang mga pulis na nirereyp ang mga nahuhuli nilang babaing suspect o kaya naman ay ang anak o asawa ng suspect. Saan pa hihingi ng tulong ang mamamayan kung ganito ang mga pulis? Kaawa-awa naman ang kalagayan ng mga babaing mabibiktima ng mga “rapist” na pulis.

Gaya na lamang nang napabalita na isang menor-de-edad na babae ang ginahasa ng isang pulis mula sa Manila Police District Station 4. Ang mga magulang ng dalagita ang inaresto ng mga pulis pero pati ang kawawang biktima ay isinama sa presinto at inimbestigahan din.

Pagkatapos tanungin ang dalagita, nagprisinta na ang pulis na ihahatid ito sa bahay. Pero sa halip na sa bahay, sa isang motel sa Sta. Mesa dinala ang dala­gita at doon isinagawa ang panggagahasa. Pina­ngakuan daw ng pulis ang dalagita na palalayain ang mga magulang nito kapag pumayag. Walang nagawa ang dalagita dahil na rin sa takot.

Mabuti at nagsumbong ang dalagita sa mga magulang kaya ipinaaresto ang pulis. Nang mahuli ang pulis, agad itong kinumpronta ni Gen. Guillermo Eleazar at dinuro-duro ang mukha. Sinibak na ni Eleazar ang “rapist” na pulis. Salamat at umaksiyon ang istriktong general.

Nakakatakot na ang nangyayaring ito sa ilang pulis na pawang PO1. Sana maalis sa puwesto ang ‘di karapat-dapat. Huwag sanang basta tatanggap ang PNP ng mga magpupulis. Kilatisin muna at baka ang makuha ay rapist o drug addict. --- MELANIE DELA FUENTES, Balic-Balic, Sampaloc, Manila

Show comments