Luzon malulusaw sa matinding sakuna

NAKIKITA sa mga krisis ang kahinaan ng gobyernong umaksiyon. Nang magkabaha dahil sa apat na magkakasunod na bagyo nu’ng Agosto, apat na rehiyon ang lumubog. Puro tunggaliang pulitika lang ang inatupag ng pamunuan habang lumulusong ang mga nasalanta at nagkaka-leptospirosis. Walang ginawang solusyon na flood control at pagpapalayas sa mga bumabara sa lagusan ng ilog.

Nang magbara sa gilid ng Manila International Airport runway ang isang jumbo, buong Pilipinas ang apektado. Tigil ang higit 600 flights, at sa Visayas ay pina-landing ang mga paparating na eroplano mula abroad. Inabot nang 36 oras bago maalis ang nakabarang jet at limang araw bago maibalik sa normal ang international at domestic flights. Imbes na ayusin ang sarili, pinagbintangan ng mga opisyales ng transportasyon at paliparan ang airlines sa kalituhan ng mga pasahero.

Nabistong hindi pala kaya ng Clark International Airport sa Pampanga na humalili. Pang isang dosena lang ang paradahan ng eroplano. At iisa na lang sa dalawang runways ang gumagana dahil sa itinayong hangar ng isang maimpluwensiyang sekta ng relihiyon.

Nabatid din na hindi kaya ng gobyerno ikalat sa mga palengke ang ani at angkat na bigas. Tumaas ang presyo, pero pinanatili ang mga tiwali at palpak na tagapamahala.

Isipin na lang kung sabay-sabay tumama ang sakuna sa Luzon. Lumindol halimbawa dahil sa West Valley Fault, at magiba ang Marikina hanggang Laguna. Susunod ang maraming aftershocks. Tapos, kung sumabay pa ang matinding bagyo’t baha. Ito ang mga tanong:

Handa ba ang gobyerno sa paghanap at pagligtas ng mga biktima? May tubig, pagkain, gamot, at kagamitan ba? Sapat ba ang mga trak at kagamitan ng bumbero at pulis? Ayos ba ang evacuation centers?

Saang airports magla-landing ang relief goods kung wasak din ang Manila airport? Magbabara ba muli ang mga eroplano sa Clark at Subic?

Show comments