Pare-pareho ang kasalanan
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - October 11, 2018 - 12:00am

INAMIN na ni DOJ Sec. Menardo Guevarra na si Sen. Antonio Trillanes lang ang prayoridad ng gobyerno na kasuhan. Ito ay matapos sabihin ng opisyal ng Department of National Defense sa korte na 277 mga rekord ng amnestiya, kabilang si Trillanes, ang nawawala o hindi mahanap. Hindi na bale na pare-pareho sila ng kasalanan, ang krimen umano sa bansa, basta si Trillanes na muna ang dapat kasuhan. Nasa Presidente na raw kung ano ang gagawin sa mga ibang nawawala rin ang dokumento, kabilang ang mga nasa gobyerno ngayon tulad nina Nicanor Faeldon at Danilo Lim. Ano kaya ang pakiramdam nilang lahat sa pahayag na ito?

Tila isinantabi na ng administrasyon ang mga batas at Konstitusyon ng bansa, mabigyan lang ng proteksyon si Duterte at mga tauhan niya. Sana naman ay makita ng korte ang sitwasyong ito, at magdesisyon sa panig ng katotohanan at hustisya. Dapat ay makita ng taumbayan na patas ang hudikatura. Napakalinaw na gustong ipitin lang si Trillanes, kahit naglalabasan na ang mga ebidensiya na nagpapatunay na binigyan siya at ang 276 ng amnestiya.

Kailangan din malaman kung paano sabay-sabay ma­wawala ang lahat ng dokumento ng mga nag-apply ng amnestiya noon. Kailangang managot ang DND dito. Nawala o iniwala? Wala rin daw duplicate na kopya ang amnesty application form. Isa lang ang kailangang sagutin ng mga aplikante, at kailangan itong ibigay sa Ad Hoc Amnesty Committee Secretariat para maaprubahan. Nagtuturuan na ngayon kung sino ang huling humawak ng mga nasabing dokumento. Pero ang sinasabi nga nila ay nag-apply si Trillanes, kasama ang iba pang aplikante.

Hindi ba nakapapangamba na puwede na lang mawala ang mga sensitibong dokumento ng gobyerno na dapat ay nakatago? Lalo na kung ang totoong pakay naman ay para ipitin ang mga kritiko o kalaban ng administrasyon? Biglang kanselahin ang passport mo habang wala ka sa bansa dahil nawawala ang application form mo?

ANTONIO TRILLANES DEPARTMENT OF NATIONAL DEFENSE
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with