Manggagawang Chinese naglipana sa Kamaynilaan

ARUKIN sana ng Armed Forces intelligence ang nakaba­bahalang sitwasyon na ibinunyag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon. Naglipana umano sa Pilipinas ang mga manggagawang dayuhan. Sa Kamaynilaan pa lang daw, hindi sila bababa nang 400,000 ang bilang.

Karamihan sa kanila umano ay Chinese nationals. Nasa kung anu-anong sektor ng industriya sila: sa minahan, pagtitinda ng damit, at distribusyon ng gamot at makinaryang pangpabrika. Pinaka-dagsa sila sa paligid ng Entertainment City, Parañaque. Kung hindi sila nagtatrabaho sa mga casino roon, nasa online gaming outlets sila sa mga karatig na commercial at residential condo buildings.

Pinabubulaanan si Drilon ni Labor Sec. Silvestre Bello. Umano ay 40,000 na dayuhan lang ang inisyuhan ng alien employment permits nitong nakaraang 18 buwan. Pero giit ni Drilon na solido ang info niya.

Masama sa ekonomiya ang daan-daan libong dayuhang manggagawa. Inaagaw nila ang trabaho mula sa mga Pilipino. Sa mga casino sila ang bodyguards ng mga Chinese highrollers at taga-singil ng pautang. Sa online gaming, sila ang mga taga-taya ng pusta ng mga manla­laro sa mainland China. Kayang-kaya ng mga Pilipino ang gan’ung mga gawain.

Banta rin sa seguridad ng Pilipinas ang pagdagsa ng mga Chinese. Determinado ang Beijing na angkinin ang buong South China Sea. Hadlang sa balaking ‘yon ang Pilipinas. Gagamit ang China ng lakas militar at iba pang paraan para pahinain ang Pilipinas. Tulad ng ginagawa sa Asia, Africa, at South America, manunuhol ang Beijing ng mga tiwaling opisyales. Babahain nito ng shabu ang bansa­. At isasabotahe nito ang kabuhayan ng Pilipinas.

Hindi kataka-takang marami sa manggagawang Chinese ay mga espiya. Bago lusubin ng iba pang dayuhan ang Pilipinas nu’ng 1941 nag-deploy muna ito ng mga sundalong nagkunwaring mga sibilyan.

Show comments