‘Kuyang, last mo na ‘yan ha? Matuto ka na!’

MADALING bumatikos at pumuna sa mga desisyon at aksiyon ng ating pamahalaan. Magagawa ng kahit sino ang malayang pamamahayag, batikan man siyang pulitiko o kilalang personahe sa media.

“Buhay na buhay” ang demokrasya sa Pilipinas. Ang ating media, aktibo sa kanilang pagpuna base sa kani­lang pananaw at paninindigan. Si President Rodrigo Duterte mismo, naniniwala sa malayang pamamahayag na ito. Siya mismo, malayang magmura sa kanyang mga talumpati sa harap ng media sa kung sino man ang kani­yang pinatatamaan sa larangan ng pulitika.

May mga dalubhasang nagsasabi na ang pulitika natin ay maituturing na “national past time” o pambansang pampalipas-oras na lang. Kaya nga tayong mga Pinoy, natutuwa o di naman kaya, nabubuwisit. Parang larong basketball, ano bang team mo? Ang mga maka-admi­nistrasyon o  maka-oposisyon? Isama na rito ang media, sila ang taga-analisa at taga-tuligsa, pabor man o hindi – depende kung sino ang kanilang kinikilingan.

Sa seryosong usapan, mahalaga ang papel na gina­gampanan ng oposisyon. Ang oposisyon ay may isinusulong na mga programa at plataporma na kanilang ipinaglalaban. Base rin ito sa kanilang nakikitang kahinaan, pagkukulang at mali ng kasalukuyang administrasyon na dapat maipahayag sa taumbayan. Bigyan natin ng diin, mga “oposisyon”, hindi kabilang dito yung mga bumabalimbing dahil sa kanilang pagmamaktol.

Ganito rin kami sa media. Subalit may ibang perso­nahe diyan, batikan na at kilala. Tumanda na sa kanyang propesyon, tila baga’y “bumalimbing” bigla, bakit kaya? Kumakalat yung  “bulung-bulongan” na  kaya raw kumokontra ngayon ay dahil hindi ito napasama sa listahan ng mga pangalan ng tatakbong senador sa ilalim ng administras­yon ni Pangulong Digong. Sa umpisa, pagkaupung-pagkaupo ni Digong, “die hard defender” siya at ipinagmamalaking magkaibigan sila.

Kaybilis magbago ng ihip ng hangin sa personaheng ito. Eh kung talagang totoong kaibigan mo, puwede namang sabihin ng diretso roon sa matalik mong kaibigan kung anong gusto mong iambag bilang kaibigan.

Hindi mo na dapat isulat sa diyaryo o sa social media o i-broadcast kung ano ‘yung mga bagay na nakita mo. Number 1 rule sa pagkakaibigan, “if you have something to say that can help your best friend, say it privately not declare it publicly.”

‘Yan tuloy, malimit ka nang naba-bash sa social media dahil sa mga post mo. Okay lang sa diyaryo, dahil wala namang magba-bash, magla-like, magko-comment at magsi-share.

Kuyang, ilang beses ka ba dapat ma-bash bago matuto? Last mo na ‘yan ha!

Show comments