Droga: Mas matinding pagpuksa ang dapat

WALANG duda, nais ng mamamayan na puksain ng gob­­yerno ang salot na droga. Ito ang pinagmumulan ng da­­lawa sa bawat tatlong matitinding krimen: patayan, gahasaan, nakawan. Tatlo sa bawat nakapiit ay dahil sa pag­tutulak at malakihang pagtatago ng droga.

Tila hindi mabisa ang madugong giyera sa droga ni President Rody Duterte. Apat na libong pushers na ang napatay -- nanlaban daw sa raids at buy-busts ng pulisya mula Hulyo 2016. Mahigit 23,000 iba pa ang pinaslang ng vigilantes at kaaway na narco-syndicates. Pumuputok na ang mga piitan dahil 800% ang nakasiksik na binibista sa droga. Dalawang milyon ang adik-pushers na sumuko sa kani-kanilang mga barangay. Tone-tonelada ang nasasabat na shabu, halagang bilyon-bilyong piso. Pero araw-araw nababalita pa rin ang mga nahuhuli, nanlalaban, napapatay sa droga.

Balik-aralan sana ng gobyerno ang problema. Apat na milyon ang lulong sa shabu. Isang milyon sa kanila ang nangangailangan ng rehab na di bababa sa anim na buwan. Pero 35,000 adik lang ang kasya sa iilang rehab clinics sa bansa.

Samantala, wala halos nahuhuling malalaking guma­gawa at nagkakalat ng shabu, pati mga kasapakat nito. Alam na ng lahat na walang taga-Customs na naparusahan sa pinuslit na 605 kilos ng shabu, halagang P6.5 bilyon, sa pier ng Maynila mula Xiamen. Dapat dagdagan ang pabuya sa ordinaryong mamamayan para isuplong ang narco-traffickers. Bilisan ang promotion ng mga pulis na nagtitiklo, at gantimpala sa mga opisyales na matapat. Kasabay nito, bilisan at tindihan ang parusa sa narco-traders, tiwaling pulis, at pabayang lokal na opis­yales. Higpitan ang bantay sa mga islang bagsakan ng shabu mula abroad, at patuloy na narco-trafficking mula sa mga preso.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments