Provincial buses sa EDSA, ‘wag alisin

PINAG-ISIPAN nga bang mabuti ng mga magagaling na opisyales ni DOTr Sec. Art Tugade ang nakatakdang pagwalis sa provincial buses sa EDSA sa Hulyo 23? Layunin ng DoTr na mapaluwag ang trapiko Metro Manila. Subalit naghihinagpis ang mga senior citizens, estud­yante at iba pang commuters sa Calabarzon region dahil kapos sa pag-aaral ang balak ng DoTr. Apektado sila sa pagbabawal ng provincial buses sa EDSA. Pahirap lang ang bus ban scheme na ito. Paano ang empleyado na kulang ang pamasahe dahil mababa ang suweldo. Sila ang unang tatamaan nito dahil magiging doble o triple pa ang kanilang magiging gastusin sa pamasahe sa paglipat-lipat ng sasakyan patungo sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), lahat nang provincial buses buhat sa south ay hindi na papayagang makapasok sa EDSA mula 6:00 a.m.- 9:00 a.m. at 4:00 p.m.-7:00 p.m. Ang provincial buses galing sa north ay hanggang sa Santolan na lamang sa ganoon ding oras.

May impormasyon akong natanggap na isang sama­han -- ang Laguna commuters association na pinamu­nuan ng isang nangangalang Mandy umano ang mag­lulunsad ng signature campaign. Nangangalap ng mga reactions, opinions at suggestion sa mga hakbang buhat sa mga netizens gamit ang modern technology ng social media through facebook, viber, messengers at bloggers upang tutulan ang pagba-ban ng provincial buses sa EDSA.

Nananawagan ako kay Secretary Tugade na pag-isipan munang mabuti ang aksyon ng iyong mga tauhan. Hindi naman bulag ang sambayanan na kaliwa’t kanan na ang construction sa Metro Manila bilang bahagi ng Build-Build program ni Pres. Rodrigo Duterte. Ang pagbabawal ng provincial buses ay hindi sulusyon sa pagsisisikip ng trapik sa EDSA. Sa halip na sikilin ang pagbibiyahe ng provincial buses sa EDSA, pag-ibayuhin ang paglansag sa mga colorum at mga illegal terminals nang lumuwag ang kalye.

Noong pinaigting ang kampanya kontra colorum at illegal terminal, lumuwag ang mga kalye, subalit ngayon ay muli na namang sumikip dahil nagbalikan ang mga tusong colurom operators. Ang masakit pa inaprubahan ang mga bagong prankisa ng TNVS na aabot sa 80,000 sasakyan. Sila ang yayaot hindi lamang sa EDSA kundi sa buong Metro Manila na magdudulot ng trapik.

Kapag nawala ang provincial buses sa EDSA, maraming kababayan ang magugutom dahil dodoble ang kanilang gastusing sa pamahase at baka matanggal pa sila sa trabaho dahil sa pagkaka-late. Pag-isipan munang mabuti ang pagwalis sa provincial buses sa EDSA. Abangan!

Show comments