Mga eroplano paano umiiwas magbanggaan
MUNTIK nang magka-malalang air disaster sa San Francisco Airport nu’ng Agosto. Napagkamalang runway ng Air Canada pilot ang taxiway kung saan apat na eroplano ang nakaparada. Mabilis ang dating ng airliner nang, sa 400 feet na lang, bigla itong umangat muli. Ang tanong ay hindi kung bakit namuntikan ang sakuna, kundi paano ‘yun naiwasan? Dahil ‘yon sa modernong kagamitan. Mas malamang mamatay ang tao dahil nabulunan o nalunod sa bathtub, kaysa plane crash. Sa isang patay sa aksidente sa bawat 16 milyong pasaherong nilipad, 2017 na ang pinaka-ligtas na taon sa paglakbay sa ere.
Nu’ng dekada-1920 halos walang navigational aids ang eroplano. Kapag naligaw ang piloto, lalapag siya para basahin ang direksiyon sa istasyon ng tren. Umaasa sila sa senyas-kamay, banderitas, o higanteng konkretong arrows para ituro kung saan lalanding. Nu’ng 1935, nang nakakapag-usap na ang mga piloto sa cockpit radios, nagkaroon ng air traffic control na tagamatyag sa airports. Nang maimbento ang radar bago mag-World War II, namatyagan na rin ng air traffic control ang bawat eroplano sa anumang minuto.
Dekada-1990 nang pakabitan lahat ng eroplanong mahigit 19 ang pasahero ng Traffic Collision Avoidance System. Nagsasabihan ang bawat eroplano ng direksiyon, bilis, taas, at layo nila. Kung masyadong magkakalapit, maaalerto ang magkabilang piloto, at magrerekomenda ng pag-iwas-bangga. Problema lang, napaka-mahal ng gadget. Pasok naman ang murang Automatic Dependent Surveillance Broadcast, na nagsi-signal sa bawat eroplano via satellite ng impormasyon tungkol sa nakapaligid na iba pang flying objects.
Ang problema sa ere ngayon ay ang mga civilian aerial drones. Sa America 250 insidente kada buwan ang angal ng mga piloto laban sa muntikan o aktuwal na banggaan ng drone at eroplano. Sa Maynila nu’ng 2017 muntik nang mabangga ang Singapore Airline jet ang drone.
- Latest