Kalidad ng edukasyon isang problema pa rin
AMININ natin na sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaan na mapagbuti ang sistema ng edukasyon sa bansa, hindi pa natin nararating ang wastong antas na pakikinabangan ng mga mag-aaral. Nalalagay ngayon sa pagkuwestyon ng taumbayan ang bagong K-to-12 program na nagdadagdag ng taon sa mga mag-aaral bago makatuntong sa kolehiyo.
Sa kabila nito, ang bilang ng mga dropout sa elementarya at mataas na paaralan ay tumaas at umabot na sa 4.8 milyon. Katumbas ito ng labing-isang porsyento sapul pa noong 2012.
Ang K-to-12 ay isinabatas para raw maging competitive ang ating mga graduates sa panahon ng globalization. Pero tila wala pa tayong nakikitang positibong epekto. Mayroon nga tayong programa sa libreng edukasyon para akitin ang mga kabataang hindi makapag-aral pero tila hindi tumatalab ang ginagawang pag-akit sa mga ito.
Si Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte ay nasa Australia ngayon upang pag-aralan ang mga programa sa pagpapahusay ng kalidad ng edukasyon sa bansa partikular sa lungsod. Sana, hindi lang sa QC mapakinabangan ang ano mang mapupulot ni VM Belmonte kundi sa buong bansa na rin. Bantog ang Australia sa pagkakaroon ng napakataas na kalidad ng edukasyon.
Sa palagay ko, ang isa sa nakakaapekto sa ating mga kabataan ay ang masamang attitude dahil lubhang nalululong sa barkada, lalu na sa masamang bisyo. Medyo may kahirapang sugpuin ang problemang iyan pero dapat makipagtulungan dito ang mga magulang. Hangga’t hindi nagbabago ang attitude sa pag-aaral ng mga bata, gaano man kaganda ang sistema ay mawawalan lamang ng saysay.
- Latest