Pipi at bingi ang saksi

(Unang bahagi)

ANG lahat ng taong may pang-unawa at kayang ipahayag ang kanilang naunawaan ay puwedeng tumestigo sa kasong nililitis sa korte. Ngunit puwede bang saksi ang isang taong pipi at bingi (deaf mute)? Ano ba ang kuwa­lipikasyon para siya ay maging testigo? Ito ang lilinawin sa kaso ni Erica.

Dalaga si Erica at bookkeeper sa isang credit coope-rative sa Manila. Noong unang araw ng kanyang trabaho, dinala niya sa opisina ang kanyang camera para kunan ng litrato ang kanyang mga kaopisina bilang souvenir sa pagbabalik niya sa kanyang bayan sa okasyon ng fiesta. Pagsapit ng alas singko, bitbit niya ang camera at ?3,000 na panggastos sa fiesta.

Dumating siya sa kanyang bayan bandang 7:30 ng gabi. Bumaba siya sa highway na may 300 metro ang layo mula sa kanyang bahay. Sa kabila ng highway ay may waiting shed kung saan nakatambay ang 4 katao, sina Andy at kapatid nitong si Tony alias “Baba” dahil sa haba ng mukha nito, si Rolly alias “Boy Tattoo” at si Sergio alias “Pipi” dahil sa pagiging pipi at bingi nito. Galing sa beerhouse ang apat at nakipag-inuman sa kanilang mga kabarkada mula pa noong umaga. Nang malasing ay lumabas na sila at pumunta sa palayan pero huminto muna sa waiting shed. Lumaklak pa kasi ng cough syrup na tinatawag na “Pidol” sina Andy at Rolly.

Nang makita si Erica na naglalakad, umalis sa waiting shed at sinundan nina Andy, Tony at Rolly si Erica. Napadaan ang babae sa isang madilim na kalsada na napapalibutan ng mga puno at matataas na damo. Inutusan nila si Sergio na iwanan na sila pero imbes na umalis ay nagtago lang ito sa likod ng mga halaman kung saan nakita niya lahat  ang buong pangyayari.

Nakita ni Sergio na hinabol ng tatlong kabarkada niya si Erica, tinulak ni Rolly ang babae sabay hinablot naman ni Andy ang shoulder bag nito. Pagkatapos ay itinulak ni Tony at Rolly ang pobreng babae sa isang puno at inundayan ng sunud-sunod na saksak sa leeg. Sa puntong ito ay tumulong pa na sumaksak sa babae si Andy. Bumagsak sa lupa si Erica. Habang nakahiga ay walang awang ipinasok ni Rolly ang bote ng cough syrup sa ari ni Erica. Buhay pa noon si Erica at nagpipilit lumaban pero niyakap siya ni Andy. Hinubaran at halinhinang ginahasa ng tatlo ang biktima. Nauna si Andy, sumunod si Rolly at pagkatapos ay si Tony. Hawak ng dalawa ang magkabilang kamay ng babae habang nakaibabaw ang kanilang kasama.

Pagkatapos ng karumal-dumal na krimen, kinuha ni Andy ang bag, si Rolly naman ang kumuha ng camera at pera, at si Tony naman ang singsing, hikaw at relo. Tumuloy sa palayan sina Rolly at Tony at si Andy naman ay nagpunta sa kabilang direksyon.

Sumunod na araw, natagpuan ng may-ari ng palayan ang bangkay ni Erica. Matapos ang masusing imbestigasyon ng mga pulis, sinampahan ng dalawang kaso ng rape with homicide and theft sina Andy, Tony at Rolly sa provincial prosecutor.  (Itutuloy)

Show comments