Ganito na ang lebel ng diskurso
K KA LANG? - Korina Sanchez (Pilipino Star Ngayon) - March 14, 2018 - 12:00am

TULAD ng inaasahan, hindi natuwa ang Palasyo sa pahayag ni UN human rights chief Zeid bin Ra’ad Zeid al-Hussein na kailangang magpatingin si Pres. Rodrigo Duterte sa psychiatrist. Ito ang pahayag matapos insultuhin ni Duterte ang dalawang babaing rapporteur ng UN, pati ang pagbansag na “terorista” sa isang special rapporteur ng UN sa bansa. Huwag naman daw mang-insulto, ayon sa Palasyo. Iba’t iba nga ang nanggaga­ling na pahayag mula kay DFA Sec. Cayetano at Presidential Spokesperson Harry Roque, pero pare-prehong hindi nagustuhan ang sinabi ni Al-Hussein. Insulto rin daw sa Pilipino.

Pero ilang beses na ring nang-insulto si Duterte, hindi lang sa mga kinaiinisan niya sa UN na “itim” at “undernourished”, kundi sa European Union, sa US, kay dating Pres. Barack Obama, sa mga babaing rebelde at kung sinu-sino pang hindi niya nagustuhan. Wala akong narinig na malakas na reaksiyon mula sa US, o kay Obama mismo nang minura siya. Ang alam kong sinabi lang ni Obama ay makulay siyang tao. Wala ring malakas na reaksiyon noong minura niya ang Santo Papa dahil sa trapik. Tapos ganito kalakas ang reaksiyon ng Palasyo, ng gobyerno? May natamaan bang ugat ang mga pahayag ni Al-Hussein?

Ilang beses nang pinupuna ang bibig ng Presidente. Siya mismo ay ilang beses nang nangako na babawasan o hindi na magmumura, pero hindi naman natutupad. “Normal” na sa kanya ang magbigkas ng mga makukulay na pahayag. “Take him seriously, not literally” ayon sa kanyang tagapagsalita, sa pagpapaliwanag ng makulay na pananalita ni Duterte. Hindi talaga ako nagtataka na may magsasabi na ng ganitong pahayag o payo, lalo na mula sa ahensiya na madalas niyang tinitira at minumura. 

Kung ganito na nga ang bagong “normal”, kung saan ang pinakamataas na pinuno mismo ng bansa ang madalas magmura, mang-insulto, at tila ginagaya na rin ng kanyang Gabinete at mga kaalyado sa gobyerno, hindi na siguro dapat magulat, o mainsulto kung ito na rin ang uri ng wika at pananalita ang gagamitin na rin ng ibang tao sa kanya. Ganito na ang lebel ng diskurso ngayon.

Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with