‘Mga Aral sa Buhay,’ ni Lola Regina (2)

KARUGTONG ito ng pinaka-sikat na kolum ni Regina Brett, 62, tanyag na inspirational speaker at manunulat, ng Ohio, kumakalat sa Internet:

“(26) Sakuna sa buhay? Tanungin ang sarili, ‘Isyu pa ba ito limang taon mula ngayon?’ (27) Laging piliin mabuhay. (28) Patawarin sila sa lahat. (29) Ano man ang pa­na­naw ng iba sa ‘yo, wala kang pakialam. (30) Halos lahat hinihilom ng panahon; bigyan ng panahon ang panahon. (31) Gaano man kaganda o pangit ng sitwasyon, magbabago rin. (32) Hindi ka aalagaan ng trabaho mo kapag nagkasakit ka; pero ang mga kaanak at kaibigan mo oo; panatilihin ang kontak. (33) May himala. (34) Mahal ka ng Diyos dahil gan’un Siya, di dahil sa iyong ginawa o hindi ginawa. (35) Ang hindi pumatay sa ‘yo ay palalakasin ka pa.

“(36) Mabuti pang tumanda kaysa mamatay nang bata. (37) Minsan lang magiging bata ang mga anak mo; gawin itong kaalaalala. (38) Basahin ang Salmo; saklaw nu’n lahat ng pakiramdam ng tao. (39) Lumabas araw-araw; naghihintay ang himala kung saan-saan. (40) Kung itumpok natin lahat ng problema natin at makita ang sa iba, baka bawiin na lang natin ang sa atin. (41) Sumipot at lubusin ang buhay ngayon na. (42) Alisin ang anumang walang silbi, pangit, at malungkot. (43) Ang mahalaga sa huli ay umibig ka. (44) Aksaya sa oras ang inggit. Tanggapin kung ano ang meron ka, huwag ang gusto lang. (45) Paparating pa lang ang pinaka- sa lahat.

“(46) Ano man ang nararamdaman, bumangon, magbihis, at sumipot. (47) Hinga nang malalim, pampakalma ng isip. (48) Kung hindi hingiin, walang tatanggapin. (49) Magbigay. (50) Walang ribon ang buhay, pero regalo pa rin. (51) Umiyak at mag-move on, mas nakakahilom. (52) Hingin ang tulong ng Diyos, ano man ang mangyari.”

Basahin ulit-ulit.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments