EDITORYAL - Dapat lang sagutin ng Sanofi ang expenses
(Pilipino Star Ngayon) - January 24, 2018 - 12:00am

NAKAPAGBIGAY ng gaan sa kalooban ng mga magulang ang sinabi ng kinatawan ng Sanofi Pasteur na sasagutin ang lahat nang medical expenses at pati pagpapalibing sa mga mamamatay kaugnay sa Dengvaxia vaccines. Ito ang unang pagkakataon na nangako ang Sanofi mula nang magkaroon ng imbestigasyon sa Dengvaxia noong nakaraang buwan.

Pero kahit na nangako ang Sanofi, hindi pa rin dapat maging kampante ang lahat lalo na ang mga magulang ng batang nabakunahan ng Dengvaxia noong 2016. Kailangang tutukan ang Sanofi sapagkat marami ang nagsasabi na walang mapaparusahan sa kontrobersiyal na isyu na ito. Wala raw makukulong na matataas na opisyal sa kasong ito.

Nasa 800,000 mga bata na edad siyam na taon pataas na nagmula sa public schools ang naba­kunahan at karamihan ay nasa Metro Manila, Cala­barzon, at Central Luzon. Ang Pilipinas ang unang­ bansa sa Asia na nakatikim ng bakuna.

Nagsimula ang mainit na isyu sa Dengvaxia noong Nobyembre 2017 nang ihayag ng Sanofi Pasteur na ang bakuna ay epektibo lamang sa mga nagka-dengue na at malala namang sitwasyon ang mangyayari sa mga hindi pa nagkaka-dengue kapag binakunahan nito. Ibig sabihin, dapat ang bibigyan lamang ng bakuna ay ang mga nagka-dengue na.

Ang programa para bakunahan ang mga bata ay agad inaprubahan ng Department of Health (DOH) sa loob lamang ng apat na buwan gayung ang karaniwang haba umano ng pag-aapruba rito ay dalawang taon. Mahaba rin umano ang clinical trial na dapat sa Dengvaxia. Ayon sa Department of Justice (DOJ), agad inaprubahan ni dating DOH secretary Janet Garin at mga opisyal ng nakaraang adminis­trasyon ang programa, sa kabila na wala pang sertipikasyon mula sa World Health Organization (WHO).

Ngayong nangako na ang Sanofi na sasagutin ang medical expenses ng mga batang nabakunahan, dapat namang pagpursigihan ng DOH na hanapin ang mga batang nabakunahan para malaman ang kalagayan ng mga ito sa kasalukuyan. Karamihan umano sa mga nabakunahan ay mga batang nakatira sa liblib na lugar at tila wala pang kaalam-alam sa dinulot ng Dengvaxia. Doblehin ng DOH ang pag-monitor sa mga nabakunahang bata.

Philstar
Facebook
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with