Revolutionary Government

KUNG magdedeklara ng pamahalaang rebolusyunaryo si Presidente Duterte, kailangan ang nagkakaisang suporta ng militar para maisulong ito.

Ganyan ang ginawa ni  yumaong Presidente Marcos­ bago siya magdeklara ng pangmatagalang panahong martial law noong 1972. Sinuyo muna ang militar at itina­laga sa pinakamataas na puwesto ang kanyang mga kababayang Ilocano. Tingin ko, hindi magkaiba ang martial law at revolutionary government, ngunit kung may kaibhan man, parehong kailangan ang suporta ng Hukbong Sandatahang Lakas ng Pilipinas. Wika nga, “the same dog with a different collar.”

Sa nakalipas na mga araw, naging maugong ang ide­­yang magdedeklara ng revolutionary government ang Pangulo kung magpapatuloy ang panliligalig ng mga elementong bumabatikos sa kanya, lalu na ang mga makakaliwang elemento. Ngunit sinasabing ayaw itong suportahan ang liderato ng Armed Forces of the Philippines. Kaya sa mga sumunod na araw ay umatras ang Pangulo sa ideyang ito, at sinabing hindi niya ito balak gawin.

Kaugnay nito, umaasa si Vice President Leni Rob­redo­ na matitigil na ang pagpapalutang ng posibilidad na magtatag ng isang revolutionary government sa Pili­pinas­ at Martial Law.

Alam ko na karamihan sa ating mga kababayan ay allergic na sa martial law o kung ano man ang itawag dito. Sana nga, hindi na magbago ang isip ng Pangulo kagaya ng nakita natin sa kanyang pagbabagubago ng kaisipan.

Naniniwala ako na may sapat na lakas ang pamahalaan sa ilalim ng Konstitusyon upang matugunan ang mga problemang pangseguridad ng bansa at hindi na dapat ulitin pa ang nangyari noong dekada 70 na napatunayan nang walang ibubungang mabuti.

Ulitin natin ang sinabi ng Pangulo. Aniya: “Revolutionary government, coup d’etat, malayo iyan. Huwag niyo intindihin iyan. Hindi ako mag-martial law. Hindi ako mag-revolutionary government,” wika niya. Tama ang hakbang ng Pangulo na isulong ang pagpapatupad ng batas laban sa mga rebeldeng komunista na patuloy na naghahasik ng gulo sa bansa samantalang bukas ang pinto nito sa mga rebeldeng ibig magbagong buhay.

Show comments