‘Bangayan at babuyan ng mga inutil sa Senado’

NAKAKAIRITA na ang mga kaganapan sa tinaguriang “mataas na kapulungan” ng bansa, ang Senado. Tila sa ka­salukuyang sitwasyon, ang institusyon ay nagiging inutil na.

Pansinin n’yo ha, ‘ala ng ginawa ang inihalal nating mga mahal na senador kundi magbangayan, magbatu­han ng putik at magduruan. In short, bastusan ang paborito nilang gawin sa mga panahong ito. Patalbugan ng kanilang mga expose na ang basehan naman ay sus­petsa, hinala at pagdududa lang. May mga testigo naman “kuno” na “nagpapagamit” at “ginagamit” upang mapagtibay ang kani-kanilang mga akusasyon.

Tingnan n’yo na lang ang inaasta at mga binibitawang salita ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson at si Sen. Antonio Tril­lanes III sa dating hepe ng Bureau of Customs na si Nicanor Faeldon. Pansinin din sina Sen. Risa Hontiveros, Bam Aquino, Francis “Kiko” Pangilinan at ang nasa piitan na subalit ayaw pa ring paawat na si Leila de Lima. Aba’y nakahiligan na ang mag-ingay.

Satsat na nang satsat ng walang katorya-toryang mga bagay, dumadagdag pa sa kalituhan ng isang problemang dapat agad sinosolusyunan. Nakakalungkot dahil mukhang ginagawang platform na ang Senado para labasan ng sama ng loob at announcement ng mga personal na atake laban sa kapwa pulitiko o lider ng ibang ahensiya. 

Lantaran nang nakikita ang kulturang “porma-porma”, “pag-iinarte”, “pang-eepal”, “pag-angkas, pagsakay at pag­sawsaw” sa mga isyung kung tutuusin ay panis at ang masaklap ay kalimitang nauuwi sa wala. Hindi ba’t nakaka­suya na at nasasayang na ang panahon? Nasasayang na ang mga perang ibinabayad na buwis ng taumbayan!

Sana’y tumigil na ang Senado sa pag-aaksaya ng oras sa pamamagitan ng mga lintek na Senate hearing in aid of legislation, lalo na sa mga napapanis nang isyu na wala namang nangyayari sa bandang huli.

Dahil kung magpapatuloy at kung ang pagbabasehan natin ay reyalidad na nakikita at nararamdam natin, talagang matatawag na silang pawang mga INUTIL.

Show comments