Pisting Pistok!

MATAGAL ko nang sinasabi ito at uulitin ko. Walang sinseridad ang Communist Party of the Philippines - National Democratic Front (CPP/ NDF) na pumasok sa kasunduang pangkapayapaan sa pamahalaan. Para lang pina­iikot ng mga komunista ang pamahalaan. Kunwa’y gustong matuloy ang usapang pangkapayapaan.

With all due respect sa kaibigan nating si Presidential Peace Adviser na si Jess Dureza, sasabihin kong ito ay suntok sa buwan. Alam ko na matindi ang paniniwala ni Dureza sa peace talks para matamo ang kapayapaan sa bansa. Ngunit wala tayong indikasyong nakikita na mata­tamo ito sa iniaasal ng NPA.

Ayaw tumigil ng mga bandidong komunista sa kanilang paghahasik ng lagim. Walang pinag-iba ang mga ito sa mga teroristang Maute, sa tingin ko.

Kahapon, apat na miyembro ng Presidential Security Group (PSG) ang nasugatan ng maka-encounter ng mga ito ang New People’s Army (NPA) sa Arakan, North Cotabato. Anang ulat ng pulisya, lulan ng dalawang sasakyan ang 10 miyembro ng PSG sa pangunguna ni S/Sgt. Lancheta mula sa Camp Panacan, Davao City at patungong Cagayan de Oro City ng mapadaan sila sa NPA checkpoint na binabantayan ng may 100 miyembro ng NPA. Diyan sila inambus.

Kaya inatasan na ni Presidente Duterte ang peace panel ng Pilipinas sa pangunguna ni Dureza na huwag nang ituloy ang planong pagbubukas muli ng usapang pangkapayapaan. Tama. Ano ang silbi nito kung patuloy na mag-aasal-tulisan ang mga bandidong NPA?

Okay, ituloy ang usapan kung magpapakita ng goodwill ang mga komunista. Itigil ang lahat ng illegal na ope­rasyon gaya ng pangongotong at pananambang sa mga operatiba ng pamahalaan.

At kung ipagpapatuloy nila ang kani­lang kawalanghiyaan, gumamit ng puwersa­ ang pamahalaan sa pagtatanggol sa kapa­kanan ng taumbayan. Ituring silang parang Maute-ISIS.

Show comments