Mahalaga ang kanin sa ating lahat

DITO sa ating bansa, maraming kababayan natin ay simpleng buhay lang ang tinatamasa. At nakasanayan na nating mga Pinoy ang pagkain ng kanin. Anumang okasyon ang dumating, mayaman ka man o mahirap hindi mawawala ang kanin sa hapag kainan kaya dapat ala­gaan ng ating gobyerno ang mga magsasaka dahil sa kanila nanggagaling ang bigas na ating kinakain. Ayon kay Agriculture Sec. Manny Piñol na ina-allocate na nila ang P200 million na budget para sa mga magsasaka.

Siyamnapung porsiyento ng populasyon sa ating bansa ay kanin ang pangunahing kinakain, 10% ay mais, kamote at saging lalo na yong mga nakatira sa probinsiya. Karamihan sa mga kababayan nating mahihirap ang trabaho tulad ng mga karpintero, magsasaka at trabahong nakabilad sa araw ay malakas kumain ng kanin kasi dito lang sila kumukuha ng kanilang lakas, kahit sardinas lang ang ulam basta’t maraming kanin ay ayos na sa kanila. Kaya mahirap naman yatang gawin ang sinasabi ni Sen. Cynthia Villar na imbes na puting kanin ay gawing brown rice ang kainin.

Kaliwa’t kanang batikos ang inabot ni Senator Villar sa social media dahil sa umano’y ipagbabawal na sa mga restoran ang unlimited rice o unli rice, mabuti na lang at agad niya itong binawi, dahil kung hindi, hanggang ngayon ay dinidikdik pa rin siya ng netizens. Nasa tao na yun kung ilang tasa ng kanin ang kayang ikarga sa kanyang tiyan. Sa pagkakaalam ko, hindi naman lahat na kumakain sa mga restoran na nagsisilbi ng unli rice eh unli na kung humataw ng kanin. Oo nga’t maraming umaasa sa unli rice dahil nakakamenos sila rito sa gastos para sa extra-rice. Puwede sigurong sa mga nagtatrabaho sa opisina, malls, o kaya naman hospital yung sinasabi ni Sen. Villar dahil ang mga trabaho ng mga ito ay hindi kasing hirap ng trabaho ng iba.

Kaya kung maari habang bata pa ang ating mga anak turuan natin silang kumain ng mas maraming gulay kesa kanin.

Show comments