Ang mahiwagang si Paciano Rizal

“PINAKA-DAKILA na Pilipino,” turing ni Jose Rizal sa kanyang Kuya Paciano. Kokonti ang mga lathala tungkol kay Paciano Rizal sa mga sipi ng kasaysayan. Ang kaisa-isang umano’y retrato niya ay malabo at kupas na. Kaya sa manaka-nakang pahayag lang tungkol sa kanya buma­base ang mga Pilipino ng kaalaman. Bakit nga ba siya “pinaka-dakila”?

Bago ang pagpatay sa Bagumbayan, ibinigay ni Paciano ang huling tula kay Andres Bonifacio, na nagsalin nito sa Tagalog at kinalat sa mga Katipunero. Labis silang naakit, kaya nagplano na iligtas siya, pero inawat sila ni Paciano. Sa palagay ni manunulat Gemma Cruz Araneta, apo ng mga Rizal, na may kasunduan na ang magkapatid tungkol sa dapat na landas ng sumisibol na bayang Pili­pinas. Gagawing halimbawa ang buhay at pagkamatay ni Jose na huwaran para sa lahat ng mga anak ng bayan.

Sinasabing estudyante si Paciano nang masaksihan ang parusang bitay kina Padre Gomez, Burgos, at Za­mora. Malaking impluwensiya umano ‘yon sa kanyang pagkamulat sa kalupitan ng kolonyalismo. Bukod du’n, may gulang na si Paciano nang kamkamin ng mga prayle­ ang lupain ng kanilang pamilya, at binihag at sapilitang pinaglakad ng Guardia Civil ang kanilang ina nang malayo para iharap sa hukuman.

Ideya umano ni Paciano na pag-aralin si Jose sa Maynila. At siya rin ang palihim na nagpalakbay at nagpaaral sa kanya sa Espanya. Nasa Madrid na si Rizal nang sulatan siya ni Paciano na alam na ng kanilang ama kung nasaan siya. Labis kasing nag-alala ang ama sa pagkawala ni Jose, at ginupo ng sakit, kaya napilitan umano si Paciano na aminin kung ano ang mga napagkasunduan ng magkapatid.

Matapos patayin si Jose, sumapi si Paciano sa Kati­punan, naging heneral, at lumaban sa mga Kastila at pagkatapos sa mga Amerikano.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments