EDITORYAL - Babala sa Kadamay

HINDI lang pala ang mga housing unit sa Pandi at San Jose del Monte ang balak okupahan ng mga miyembro ng Kadamay. Pati pala ang mga pabahay ng gobyerno sa Rizal ay gusto ring okupahan. Isang araw makaraang payagan ni President Duterte ang mga Kadamay na angkinin na ang mga housing unit sa Pandi, ilang Kadamay ang biglang nag-okupa sa isang pribadong lote sa Tandang Sora, Quezon City. Mabuti na lamang at nakaresponde ang mga pulis-QC at napigilan ang grupo. Kinasuhan na ang mga miyembro ng Kadamay.

Nilinaw naman ni Duterte na ang housing project lamang sa Pandi ang pinayagan niyang angkinin ng Kadamay at hindi ang iba pang project. Huwag daw magkakamali ang mga miyembro na mang-agaw uli at kanya itong pababantayan na sa mga pulis na may bazooka at M60 machine gun.

Ang mga bahay na inukopa ay nakalaan sana sa mga pulis at sundalo pero wala nang nagawa ang National Housing Authority (NHA) sapagkat nagmatigas na ang mga Kadamay. Hindi raw sila aalis. Nakatiwangwang naman daw ang mga bahay at nabubulok lang kaya inokupahan na nila. Nagmartsa rin daw sila sa Mendiola noon at nananawagan sa gobyerno para bigyan sila ng desenteng tirahan pero hindi sila pinakinggan.

Nagtagumpay ang Kadamay na mapapayag ang Presidente na angkinin ang mga bahay sa Pandi. Ang problema ngayon ay ibibigay bang libre ang mga bahay o pagbabayarin din sila. Problema pa rin ang kinakaharap ng mga nag-angkin sa bahay.

Hindi sana nagpadalus-dalos si Duterte sa pagsasabing sa Kadamay na ang inokupahang bahay. Dapat nagkaroon ng proseso at idinaan sa tama. Ang nakakatakot ay ang pag-usbong pa ng mga pag-aangkin sa mga pag-aari ng gobyerno. Dapat matigil na ang gawaing ito.

Show comments