Kawawang NAIA – IO

SIMPLE lang ang ipinakitang protesta ng mga Immigration officers sa NAIA dahil hindi na sila binibigyan ng overtime pay kasama nila todits ang mga hired confidential agents kaya naman sa pagdating at pag-alis ng mga international passengers kasama ang ilang noypi sa paliparan humaba ng todo ang pila.

Sabi nga, wala agad nagtatak sa kanilang passports for immigration clearance.

Ika nga, nagkaroon ng barberya este mali aberya pala!

Bakit?

Sagot - pino-protesta ng mga empleyado ng Immigration ang kanilang overtime pay at allowance na halos tatlong buwan na hindi ibinibigay sa kanila.

‘Ang mahal pa naman ng pagkain sa airport.’ sabi ng kuwagong gutom

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, maraming IO ang hindi pumasok. Ang iba sa kanila ay nag-file ng indifinite leave of absence dahil sa  nangyayaring problema sa OT nila sa NAIA.

Sinabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, ang regular na IO ay sumasahod lamang ng P16,000 kada buwan, tatanggalin pa rito ang iba’t-ibang klase ng buwis kaya ang take home pay na lamang nila ay P14,000.

Ika nga, P7,000 every 15 days.

‘Paano ang pang gasolina, pangkain, baon ng mga bata, bayad sa matrikula at siempre ang pang pamilya nila?’ sabi ng kuwagong SPO - 10 sa Crame.

‘Hindi kami mabubuhay dito kapag inalis ang aming overtime payment na kinukuha sa express lane. Ayaw namin gumawa ng kalokohan para lamang kumita kaya kung ganito rin naman ang sistema mas mainam na umalis na lamang kami at maghanap ng ibang trabaho.’sabi ng kuwagong IO.

‘it a result of the issue of our overtime pay coming from the express lane fund that our management is still working on with Department Of Budget Management (DBM)  but rest assured that our officers will continue discharging their duties and functions to man our airports. Thank you.’ ayon kay Marc Red Marinas, hepe ng BI Port Operation Division matapos itong mag-report kay DOJ Secretary Vit Aguirre at BI Commissioner Jaime Morente.

Sabi nga, dapat itong pag-aralan mabuti baka ang administrasyon ni Boss Digong ang maapektuhan?

Abangan.

PCG, Marines vs. pirata

MUKHANG nauuso ang mga pagsalakay ng mga pirata sa Philippines my Philippines sea hayun may pitong dinukot ang mga ogag bukod pa sa isa ang pinatay pero nailigtas nang ating super heroes este mali Coast Guard at Marines ang 17 Vietnamese nationals.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, mukhang ‘in demand’ ngayon ang pagsulpot ng mga pirata para harangin ang mga barkong naglalayag sa dagat at dukutin ang mga tripulante nito para ipatubos ng million of pesos.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, buti na lamang at mabilis umaksyon ang ating Philippine cash este mali Coast Guard at Philippines Marines dyan sa ginawang pag-atake ng mga sinasabing piranha este pirata pala dyan sa may karagatan ng Tawi-Tawi.

‘Siguro dapat manmanan ng PCG at ng Navy ang ating karagatan dahil sumusulpot na ang mga pirata para mandukot ng mga pobreng alindahaw.’ sabi ng kuwagong sepulturero.

Abangan.

Ang pamilya ni Michael Garing!

NAGPAPASALAMAT sina Mesias at Leah Garing, magulang ni Michael Garing na pinatay sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro, kay Prosecutor Joanne Abas dela Cruz ng kasong murder sa sala ni RTC Judge Tomas Leynes laban sa limang akusado.

Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, nasungkit ng mga autoridad sa pamumuno ni Police Officer Mario Quinay, ng Naujan Police Station, ang isang Jason Capote dahil sa kanyang katangahan sa ginawang pagtatago.

Sabi ng mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, wanted pa rin sina Sandy Gelena, Haries Gelena, John Neil, (Janel) Alcobera at isang John Doe.

Ika nga, masusungkit din kayo!

Abangan.

Show comments