Sana’y muli ring mabuhay ang pag-asa

AYON sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) may tinatayang 140,000 internally displaced persons (IDPs) bunga ng panibagong bakbakan sa pagitan ng government forces at ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters sa may labingtatlong munisipyo ng Maguindanao lamang. 

May libu-libo pang  mga tinatawag na ‘bakwits’ sa iba pang armed conflict-affected areas sa North Cotabato, gaya ng mga bayan ng Matalam at Pikit. Meron ding ilang libong IDPs sa Monkayo at mga karatig bayan ng Monkayo, Compostela Valley bunsod na rin ng patuloy na labanan sa pagitan ng militar at ng New People’s Army. 

Ilan sa mga ‘bakwit’ na ito ay pansamantalang nakatira sa mga evacuation centers habang ang iba ay patuloy na tumatanggap ng assistance galing sa Department  of Social Welfare and Development at maging sa ARMM mismo kahit na sila ay nakatira sa kanilang mga kamag-anak at may pangilan-ngilan ding nakauuwi na rin sa kanilang mga tahanan. 

Higit pa sa bilang ng mga ‘bakwit’, sana naman sa araw na ito na siyang Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay muli ring mabubuhay ang pag-asa ng ating daan-daang libong mga ‘bakwit’.

Nawa’y makamtan na ang kapayapaan na matagal nang inaasam ng mga taong nagkataong nanirahan sa mga tinatawag nilang ‘armed conflict-affected’ areas, kung saan parating nakakaranas ng gulo, ng takot at kawalang pag-asang sila ay mamuhay ng tahimik.

At sa araw na ito na Pasko ng Muling Pagkabuhay ni Hesus sana ay mabuhay ang pag-asang hindi na mararanasan ang pagiging ‘bakwit’ ng ‘nino man sa sarili nating bayan. 

At sana hindi na rin natin marinig at magamit muli ang salitang ‘bakwit’.

Tiyak ko ito ang panalangin nating lahat. 

Happy Easter!

 

Show comments