‘Wag baliin ang Konstitusyon

NAGBABANTA ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kung hindi maipapasa ang  Bangsamoro Basic Law tulad nang naunang napagkasunduan ay manggugulo sila.

Tama naman ang gusto ng Senado at Mababang Kapulungan: Dapat busisiin pa ang BBL upang alisin ang mga tadhanaing maaaring lumalabag sa Konstitusyon ng bansa.

Dahil dito’y pinalagan ni Senate President  Pro Tempore Ralph Recto ang  sinabi ni MILF chief negotiator Mohagher Iqbal na hindi raw dapat magdikta o magtakda ng kondisyon ang Kongreso sa pag-apruba sa BBL. Sa halip raw ay idaan sa negosasyon. Sobra na iyan. Ano sa palagay ni  Iqbal – puwedeng baliin ang Konstitusyon sa pamama-gitan ng negosasyon? Kaya tila tama ang naaamoy ni Sen. Miriam sa BBL. Aniya “It smells like secession”.

Nahahalata na ang gusto ng MILF ay tuluyang humiwalay na sa Pilipinas. Hindi lang awtonomiya ang gusto.

Sabi nga ni Sen. Ralph Recto non-negotiable ang Kons-titusyon at dapat tanggapin ng MILF kung may mangyaya-ring pagbabago sa balangkas ng panukalang BBL. Ito ay para masiguro na hindi ito lumalabag sa Konstitusyon.

Tama si Recto. Kung hindi aayusin ng Kongreso ang BBL, malamang ay maideklara lang itong unconstitutional ng Korte Suprema.

Ayon naman kay Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos, nagtataka siya  kung ano ang sinasabi ni Iqbal na idinidikta ng Kongreso sa pagpapasa ng BBL gayong trabaho nilang mga senador at kongresista na bago aprubahan ang isang panukalang batas ay siguruhin muna na naayon ito sa Konstitusyon.

Hindi ko alam kung bakit ipinupursigi pang maipasa ang BBL sa kabila ng kawalang sinseridad ng MILF sa pagtatamo ng kapayapaan. Tama lang na kung hangad natin ay awtonomiya sa Mindanao, dapat konsultahin ang lahat ng stakeholders sa rehiyon at hindi lamang ang iisang political group gaya ng MILF.

Show comments