‘Labing-anim na buwan na tagtuyot’

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

ISANG buwang sahod lang ang hindi maibigay, mga sikmura nila ay kakalam. Isang taon at kalahati pa kaya? Tiyak, teribleng gutom ang nag-aabang.

Isang taon at apat na buwan nilang di binibigay ang sahod ng asawa ko. Ang gusto nila tapusin muna ang kontrata bago bayad,” ani ng mister.

Maliban sa hindi naibigay na sahod na aabot na sa halagang 24,000Riyals o katumbas na P288,000 sa ating pera, mas namomroblema ngayon si Crisanto Tacderan o “Cris”, 50 taong gulang kung paano mapapauwi ang misis na inabutan na ng sakit sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia.

Tinubuan ng bukol sa ilong, patuloy na lumalaki ang puso (enlargement of the heart) at natuklasan na ‘diabetic’. Ganito ang kalagayan ni asawa ni Cris na si Mercy Maria Tacderan.

Sa edad na 50 anyos nagdesisyon si Mercy na magtrabaho bilang Domestic Helper sa Riyadh matapos malugi ang dati nilang negosyo at tuluyang magsara.

Taong 1988 naging magkatrabaho si Cris at Mercy sa patahian sa Paranaque. Gwardiya nun si Cris, cloth marker naman si Mercy.

Dito sila naging malapit at nagkaroon ng relasyon. Agad silang ikinasal nung ika-30 ng Nobyembre 1989. Nakaroon sila ng isang anak.

Taong 1991 nagpunta sa Saudi si Cris at nagtrabaho bilang ‘technician’. Anim na taon din siyang nagpabalik-balik.

Nanatili na lang sa bahay si Mercy subalit nung maburyo, taong 1995, nagpunta siya sa Lebanon at nagtrabaho ulit bilang DH.

“Gusto niya makatulong sa pangkabuhayan namin. Pag-uwi niya nagpatayo kami ng maliit na grocery sa San Jose, Del Monte, Bulacan,” kwento ni Cris.

Taong 2005 sumampa naman ng barko si Cris at naging seaman. Mas naging maganda ang kanilang negosyo kaya’t hindi na umalis ng bansa si Mercy.

Makalipas ang pitong taon, nagkaroon ng mahigpit na kompitensya ang kanilang grocery sa bagong tayong grocery stores na higit na mas malaki sa kanilang tindahan.

“Napaikutan kami ng mga bagong stores kaya nalugi kami at na bankrupt kami,” ani Cris.

Taong 2012 tuluyang nagsara ang kanilang tindahan. Parehong taon may nagpunta sa kanilang bayan na ‘recruiter’. Hindi inaksaya ni Mercy ang pagkakataon at nagdesisyon siyang pumunta sa Riyadh.

Kikita siya ng halagang P18,000 sa pagdi-‘DH’ kada buwan, ito ay sa loob ng dalawang taon.

Tinulungan siya ng ahensyang Asean Management Technical Services, Malate Manila na makaalis.

Hulyo 2013 naayos ang mga dokumento ni Mercy. Nakalis siya ng bansa bago matapos ang buwan.

Mag-asawa ang kanyang amo sa Riyadh subalit ang naging trabaho niya dun, ‘care giver’ sa nanay ng kanyang amo.

“Mabait naman ang amo niya.  Yun nga lang, mula ng magtrabaho siya hindi na siya pinasahod,” sabi ni Cris.

Unang buwan pa lang na hindi natanggap ni Mercy ang kanyang sweldo, nagpunta na si Cris sa Asean Management Technical Services subalit ng magsadya dito ang pamilya ni Mercy, sarado na ito.

Mula nun hindi na malaman ni Cris kung saan lalapit. Tatlong buwan makalipas, tumawag na lang si Mercy sa mag-ama niya at sinabing tinubuan siya ng parang laman sa loob ng kanyang ilong at hirap siyang huminga.

“Pinatignan daw siya sa doktor. Tibuan daw siya ng bukol sa ilong. Nalaman ding meron siyang diabetes at nagkakaroon siya ng enlargement of the heart,” sabi ni Cris.

Ayon kay Cris, pinayuhan daw ng doktor ang kanyang asawa na kailangan nitong magpaopera. Bagay na tutol si Mercy. Ang gusto ni Mercy umuwi na lang ng bansa at dito na sa Pilipinas magpagamot.

“Tuwing pupunta siya ng ospital kinukuhanan daw siya ng dugo. Namamanhid na raw ang mga paa ng asawa ko,” kwento ni Cris.

Sa ngayon limang buwan na lang at matatapos na ang kontrata ni Mercy subalit kahilingan ng Pinay, mapuwi na siya sa lalong madaling panahon.

Ilang beses na raw hiniling ni Mercy na pauwiin siya at ibigay na lang ang kanyang sahod sa loob ng labing anim na buwan subalit sagot daw ng amo sa kanya, wala umano silang pera.

Pangamba rin ni Mercy, baka ikaltas sa kanyang sahod lahat ng ginastos ng kanyang amo sa ospital. Kahilingan niya mapauwi na lang siya para sa Pilipinas para dito na magpaopera at magpagaling.

Ito ang dahilan ng pagpunta ni Cris sa aming tanggapan. Itinampok namin siya sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12NN).

Kinapayaman namin sa radyo si Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA). Pinarating namin ang kundisyon ni Mercy kay Usec. Hiniling niyang i-email agad lahat ng impormasyon tungkol sa Pinay para agad matulungan ng ating embahada sa Riyadh, KSA.

Nabanggit din ni Usec. Seguis ang tungkol sa GULF Cooperation Council (GCC) Agreement sa pagitan ng ating bansa at mga bansa sa Middle East. Kabilang ang pitong bansa: Kingdom of Saudi Arabia (KSA), Bahrain, Kuwait, Oman, Qatar at United Arab Emirates (UAE) at lahat ng mga lalawigang sakop nito. Pinagtibay nila ang mga nararapat na sanctions na maaaring kaharapin ng mga employers sakaling lumabag sila nasabing kasunduan.

Layunin  din ng mga GCC Officers na maisabatas ang kasunduan ito para naman magkaroon ng criminal suits laban sa mga mapang-abusong amo ng ating mga Overseas Filipino Worker’s (OFW’s) sa Gitnang-Silangan.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, sa pagkwento sa amin ni Cris na hindi pinasusweldo si Mercy sa loob ng mahabang panahon, kung ganito nga ang sitwasyon ng Pinay talagang nanaisin niyang umuwi na lang ng bansa.

Kung hindi na ‘fit-to-work’ itong si Mercy dapat lang na pauwiin na siya ng kanyang employer. Magiging malaki ang problema nila kung hahayaan nila dun si Mercy, paano kung may masamang mangyari sa kanya? Sila rin ang mananagot.

Dahil sarado na ang dating ahensyang may hawak kay Mercy kami nakipag-ugnayan na kay Usec. Seguis para siya’y tulungan. Ibinigay na namin ang pangalan ng ahensyang may hawak dito kay Mercy sa Saudi, ang Amal Al Awa’El for Recruiting. Ano mang balita namin sa kasong ito, aming ipaparating kina Cris. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)  SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. Magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landlines 6387285 / 7104038.

Show comments