Ang Ama ng Wika

Si Pangulong Quezon ang Ama ng Wika

pamana sa atin ay gintong salita

kanyang inihasik sa loob ng bansa

mahalin ng lahat ang sariling diwa!

 

Ang wikang Tagalog ay kanyang ninais

na ito’y mahalin sa lahat ng saglit

itanim sa puso dakilang pag-ibig

sa ating salitang kaloob ng langit!

 

Subalit sa ngayo’y parang balewala

ang wikang Tagalog sa loob ng bansa

sa mga eskwela ang turo’ kaiba

wika ng dayuhan ang ibinabandila!

 

Kaya papaanong ang wikang sarili

na hangad ni Quezon gamitin palagi

sa diwa at puso ng taong marami -

ay hiram na wika ang namamayani!

 

Ang wikang Tagalog sabi pa ni Quezon

ang dapat gamitin sa habang panahon;

pero, pagmasdan mo saan man paroon

iba’t ibang wika naririnig ngayon!

 

Wikain ng Moro at Kabisayaan

doo’y  wika nila ang mapapakinggan;

ngayo’y English pa pinag-aaralan

ng matanda’t batang nasa paaralan!

 

Sa sistemang ito’y paanong uunlad

ang wikang sariling nais din ni Rizal?

“Ang hindi magmahal sa wika ng bayan --

higit pa sa isda’t hayop sa lansangan!”

 

Sa ating Batasa’t mga pagtitipon

English ang salitang naghahari roon;

dapat sana naman ay Tagalog ngayon

ang siyang gamitin sa Araw ni Quezon!

 

Show comments