DOH muling nagbabala vs leptos
MANILA, Philippines — Muling naglabas ng babala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa leptospirosis kasunod ng naranasang mga pagbaha sa Metro Manila kahapon dulot ng bagyong Isang, na pinaigting ng Habagat.
Sa isang video message, pinayuhan ni DOH Spokesperson at Assistant Secretary Albert Domingo ang publiko na hanggat maaari ay umiwas sa paglusong sa baha upang makaiwas sa naturang sakit na nakukuha sa ihi ng daga.
“Paalala po sa lahat ng ating mga kababayan, ngayong lumalakas muli ang ulan at may banta ng pagbaha, hanggat kakayanin ay iwasan ang tubig-baha,” mensahe ni Domingo.
“Marumi ito at siyang pinanggagalingan ng sakit na leptospirosis,” he said.
Paalala pa ni Domingo sa mga magulang, pigilan ang mga anak na maglunoy sa tubig-baha dahil sa panganib na dala nito sa kanilang kalusugan.
Sakali aniyang hindi naman mapigilang lumusong sa baha, payo ni Domingo, kaagad na hugasan ng tubig at sabon ang bahagi ng katawan na nalubog sa baha.
Mas makabubuti rin aniya kung kaagad na kukonsulta sa doktor para maresetahan sila ng prophylaxis.
“Kumonsulta sa health center o kaya sa mga lepto-fast lane ng mga DOH hospitals para maresetahan ng prophylaxis o gamot. Tandaan, pag walang baha, walang lepto. Iwasan natin ito,” aniya.
Paalala pa niya, huwag uminom ng prophylaxis ng walang reseta ng doktor.
- Latest
















