Kompanya na sangkot sa Ponzi scam, ipinasara

MANILA, Philippines — Ipinasara ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang isang kompanya na nag-ooperate ng kahalintulad ng “Ponzi scam” o nangangako ng malaking tubo kapalit ng pamumuhunan ng kanilang mga kliyente.

Tinukoy ang ipinasarang kumpanya na ang BNY na matunog sa social media dahil sa pag-aalok ng iskema na “Benta Paluwagan (BPAL)”.

Sa sistemang ito, ibebenta ng miyembro ng BPAL ang kanilang “paluwagan” slot sa kumpanya sa isang investor sa mababang halaga dahil sa pagpapanggap na nangangailangan sila ng pera para sa kung anu-anong emergencies.

Makakatanggap ang investor ng bahagi ng ipinangako sa kanilang tubo sa loob ng ilang buwan bago ito tuluyang matitigil.  

Nabatid na lumakas ang naturang iskema noong 2020 sa gitna ng COVID-19 pande­mic at bumagsak ngayong dulo ng 2023.
“We revoked BNY’s Business Permit. Ang permit nila ay bilang wholesaler. Wala para sa investment / pautang,” ayon kay Sotto.

Nabatid na umabot na umano sa P800 milyon ang natangay sa mga investors ng naturang kompanya. 

Napag-alaman pa na hindi ito nakatala sa Securities and Exchange Commission (SEC) bilang isang investment o lending agency.

Humingi na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan sa National Bureau of Investigation (NBI) para matukoy at madakip ang mga taong utak sa naturang kompanya.

Show comments