Love triangle: Kelot, kinatay sa harap ng live-in partner
MANILA, Philippines — Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ang isang construction worker ng dating ka-live-in ng kanyang kinakasama sa Brgy. Tonsuya,Malabon City.
Dead-on-arrival sa Tondo Medical Center ang biktimang si Regin Brabonga, 40, habang pinaghahanap naman ang suspek na si Jim Boy Rodriguez, ng Pamasawata Landaska, Brgy. 38, Caloocan City.
Sa ulat ni Malabon police chief PCol. Jonathan Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-12 ng hatinggabi nang puwersahang pasukin ng suspek na armado ng patalim ang bahay ng biktima sa Block 4 Kadima, Letre Road, Brgy. Tonsuya.
Walang sabi-sabing inundayan ng suspect ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima sa harap ng dating live-in partner na si Irene Soria, 39.
Hindi naman sinaktan ng suspek ang dating kinakasama at sa halip mabilis na tumakas nang bumulagta ang biktima.
Ayon kay PSMS Julius Mabasa, may hawak ng kaso, love triangle ang motibo ng pamamaslang.
Inutos naman ni Tangonan ang pagtugis sa suspek.
- Latest