No.7 most wanted, timbog
MANILA, Philippines — Naaresto ng mga pulis ang isang babaeng itinuturing na no. 7 most wanted person (MWP) ng Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) ng Quezon City Police District (QCPD), sa isang operasyong ikinasa nila sa Brgy. Payatas, Quezon City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PS 13 commander PLTCOL Roldante Sarmiento, nakilala ang naarestong suspek na si Analisa Igna, 48, residente ng naturang barangay.
Sa ulat, nabatid na si Igna ay inaresto dakong alas- 8:30 ng gabi sa Block 50, Lot 1, Violago Homes, Park Woods Subdivision, sa Brgy. Payatas, sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Feringan De Los Reyes, Presiding Judge ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 305.
Siya ay itinuturing na kabilang sa most wanted person dahil sa kinakaharap na kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nakatanggap umano ng tip ang mga awtoridad hingil sa kinaroroonan ng suspek kaya’t kaagad itong dinakip.
Nakapiit na ang suspek at inimpormahan na rin ang hukumang naglabas ng warrant of arrest, hinggil sa pagkakaaresto sa kanya.
- Latest