Multi-Agency Command Center, itatayo sa Semana Santa - MMDA
MANILA, Philippines — Simula Abril 3, magtatayo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at iba pang kinauukulang ahensya ng multi-agency command center (MACC) sa Metrobase ng ahensya upang matiyak ang mapayapa at makabuluhang pagdiriwang ng kuwaresma ngayong taon.
Ang MACC, na binubuo ng mga kinatawan mula sa MMDA, Department of Transportation, Department of Public Works and Highways, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Inter-Agency Council for Traffic, Land Transportation Office, Philippine National Police, at local government units, ay aktwal na magmomonitor sa katayuan ng major transport hubs, partikular na ang mga terminal ng bus sa Metro Manila mula Lunes Santo hanggang Abril 6, Huwebes Santo, kung kailan inaasahan ang pagdagsa ng mga pasaherong magbibiyahe sa labas ng Metro Manila.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Don Artes, ang MACC ang magsisilbing daan para sa mas mabilis at mas maayos na pagtugon sa pamamahala ng trapiko, habang sinusubaybayan ng inter-agency task force ang katayuan ng mga pangunahing transport hub at mga pangunahing kalsada sa pamamagitan ng mga closed-circuit television camera (CCTVs).
“Through this inter-agency action center, we can monitor real-time updates on bus terminals across Metro Manila to ensure safer travel of the commuting public and orderly traffic flow in our roads as we observe the Holy Week,” ani Artes.
May inter-agency terminal inspection din na isasagawa ilang araw bago pa ang Semana Santa.
Bukod dito, ang mga ambulansya at mga tow truck ay ilalagay sa mga pangunahing lugar sa metropolis. Naghahanda na rin ang MMDA at ang mga LGU sa anumang posibleng mangyari sakaling may ma-stranded na mga pasahero.
Tututukan din ang mga operasyon sa mga entry at exit point papunta at mula sa Metro Manila tulad ng North Luzon Expressway, South Luzon Expressway, Coastal Road, McArthur Highway, Marcos Highway, Mindanao Avenue, at A. Bonifacio.
Maglalagay din ng mga help desk sa mga piling lugar sa Quezon City, Caloocan, Manila, at Pasay City kung saan matatagpuan ang mga terminal ng bus at iba pang major transport hubs.
- Latest