Pasilidad ng PDEA-SDO, binabawi ng Taguig City LGU

Hepe, 2 tauhan nadawit sa bentahan ng shabu

MANILA, Philippines — Binabawi na ng Taguig City government ang gusali na  ipinagamit nito sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Southern District Office.

Ang pagbawi ay ginawa ng pamahalaang lungsod ng Taguig, matapos masangkot ang opisyal at tauhan ng PDEA sa naturang tanggapan sa bentahan ng shabu.

Nabatid na pormal na magpapadala ng liham ang pamahalaang lokal sa PDEA para sa pagbawi ng kanilang pasilidad.

Mariin ding kinondena ng Taguig City government ang iligal na aktibidad ng PDEA SDO partikular sa pagkakasangkot at pagkaaresto ng mismong hepe nito, dalawang PDEA agents at sibilyang driver sa  buy-bust operation na isinagawa mismo sa kanilang tanggapan.

Umabot sa halagang P9 na milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam sa ikinasang drug bust na ginanap pa mismo sa loob ng tanggapan.

Noong 2018 nang i-turn over sa PDEA-SDO ang bagong tayong gusali bilang suporta  ng Taguig City government sa mandato ng ahensya  laban sa iligal na droga sa pag-asang makikipagtulungan ang mga ito  sa lungsod at sa anti-drug abuse council.

“The criminal participation of drug enforcers in illicit drug activities, using facilities provided by the City, is repugnant and inexcusable. The  involvement of PDEA officers in the criminal activities  they are supposed to stop has forced the City to reconsider its decision,”saad sa press statement na inisyu ng Taguig Public Information  Office.

Pansamantalang sinuspinde ng lungsod ang suporta at koordinasyon nito sa PDEA habang hinihintay ang resulta ng imbestigasyon at dapat na mapanagot ang mga sangkot.

Muling susuporta umano ang Lungsod at makikipagtulungan sa PDEA kapag nagpakita na ito ng seryosong pagsisikap na linisin ang hanay nito ng mga scalawags.

Iginiit ng lungsod na Zero Tolerance Policy sila pagdating sa iligal na droga.`

 

 

Show comments