P63 milyong puslit na frozen foods nasabat ng BOC
MANILA, Philippines — Nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC) ang may P63 milyong halaga ng mga puslit na frozen foods na nakalagay sa ilang containers at dumating mula sa Hong Kong at China, sa Manila International Container Port (MICP).
Nabatid na nakatanggap ang Customs Intelligence and Investigation Service-MICP (CIIS) ng derogatory information hinggil sa dalawang containers mula sa HK at dalawang containers mula China na idineklara bilang kilu-kilong frozen prawn balls.
Ang bawat isa sa apat na containers ay sinasabing naglalaman ng aabot sa P15,750,000 hinihinalang misdeclared goods.
“But in reality, these four containers contained other frozen foods that the consignees did not declare in their manifest. I have personally expressed my confidence to the team, and thanked them for their relentless pursuit of these smugglers,” ani Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz.
Iniulat ni Customs Deputy Commissioner retired Maj. Gen. Juvymax Uy na naglabas ang ahensiya ng dalawang Alert Orders (AOs) noong Nob. 17, 2022 laban sa Victory JM Enterprise OPC, importer/exporter ng dalawang containers mula HK, na bawat isa ay idineklarang naglalaman ng 25,000 kilo ng frozen prawn balls.
Gayunman, sa isinagawang inspeksiyon, natuklasang ang unang container ay mayroong kargang frozen tofu, chicken paws, at boneless beef, habang ang ikalawang container ay mayroong frozen tofu, Vietnamese suckling pig, at beancurd skin.
Dalawa pang AOs ang inisyu sa dalawang containers mula sa China noong Nob. 18, 2022 na idineklarang naglalaman ng 2,900CT at 2,905CT ng frozen prawn balls, ngunit nang buksan ay natuklasang may kargang frozen fish tofu at frozen beef cheek meat.
Pinuri naman ni CIIS Director Jeoffrey Tacio ang grupong nag-inspeksiyon sa containers dahil sa kanilang commitment na matuldukan na ang mga ganitong mga aktibidad.
Inirekomenda na rin ng CIIS-MICP ang pag-isyu ng warrant of seizure and detention laban sa mga misdeclared goods.
- Latest