^

Metro

90 percent ng license plate backlogs, target tapusin ng LTO sa December 2023

Angie dela Cruz - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Target ng Land Transportation Office (LTO) na matapos ang kahit hanggang 90-porsyento ng produksyon ng backlogs  sa mga plaka ng sasakyan sa katapusan ng 2023.

Ayon kay LTO Chief  Teofilo Guadiz III, gagamitin ng LTO ang sariling planta nito upang makagawa ng mga plaka kahit ilang porsyento ng kabuuang kakulangan bago matapos ang taon.

Para naman sa mga plakang hindi matatapos magawa ngayong taon, sinabi ni Guadiz na plano ng ahensya na kumuha ng serbisyo ng pribadong kompanya upang kayaning makumpleto ang kahit 90-porsyento ng backlog pagsapit ng Disyembre ng susunod na taon.

Nauna nang inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P4.7 bilyong pondo para tugunan ang mga backlog sa mga plaka ng sasakyan bagamat ang hininging pondo ng LTO ay nasa P6.83-bilyon.

Gayunman, nananatiling positibo ang LTO Chief na maaaprubahan ng dalawang Kapulungan ng Kongreso ang buong pondo na hinihingi nito para sa mga backlog ng plaka ng sasakyan.

Sa ngayon ay umaabot sa 2.3 milyong pares ng replacement plates o ang pagpapalit ng mga plakang may berdeng character at puting background tungo sa itim na character at puting background ang kailangang matapos. Mayroon namang 11.5 milyon ang backlog para sa mga plaka ng motorsiklo.

“Right now, we have already extended the ope­rating hours of the LTO license plate manufacturing plant. It now operates even on Saturdays so that it can produce more replacement plates and reduce the backlog,”ayon kay LTO chief Guadiz.

Batay sa datos ng LTO Plate Plant, umaabot na sa mahigit 300,000 pares ng replacement plates ang nagawa hanggang noong Oktubre 3 ng kasalukuyang taon. Nagsimula ang produksyon ng replacement plates nitong Mayo.

Samantala, binigyang-diin ni Guadiz na walang backlog ang LTO sa paggawa ng mga plaka para sa mga bagong rehistrong sasakyan.

Kaugnay naman ng sinisingil ng LTO para sa replacement license plates, sinabi ni Guadiz na idinideposito ito sa National Treasury araw-araw at kung kakailanganin ng pondo para sa paggawa ay hinihingi ito sa Kongreso o sa DBM.

LTO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with