13 istasyon ng EDSA Busway, nilagyan ng DOTr ng bus timer

Commuters queue for the libreng sakay program of the Department of Transportation (DOTr) at the EDSA bus carousel Main Avenue station in Quezon City on September 19, 2022.
STAR/Miguel De Guzman

MANILA, Philippines — Nasa 13 istasyon ng EDSA Busway ang nilagyan ng mga bus timer ng Department of Transportation (DOTr) Road Sector sa tulong ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa DOTr, layunin nang pagkakabit ng mga bus timer na mapadali at mas maisaayos ang sistema ng pagsakay at pagbaba ng mga pasahero sa EDSA Busway.

Nabatid na bawat bus timer ay mayroong tatlong aspects signal lantern na may two-digit timer, pole, at lighting.

Mayroon din itong traffic signal local controller na may kasamang detector card at loop detectors.

Nakalaan ang 30-second maximum time para sa bawat bus unit na magsasakay at magbababa ng pasahero sa mga nasabing istasyon.

Awtomatiko naman itong mare-reset sa pagdating ng kasunod na bus.

Sinabi ng DOTr na maaari pa ring i-calibrate ang mga bus timer at baguhin ang maximum time, base sa rekomendasyon ng Inter-Agency Council for Traffic (i-ACT) at ng MMDA.

Nabatid na operational na ang mga natu­rang bus timers sa mga istasyon ng Monumento MCU; Bagong Barrio; Balintawak; Muñoz; North MRT Station; Quezon Avenue MRT Station; Q-Mart; Main Avenue; Ortigas MRT; Guadalupe MRT; Buendia; Taft Avenue; at Roxas Boulevard.

Show comments