MANILA, Philippines — Limang major agenda ang higit na palalakasin ni Quezon City Mayor Joy Belmonte sa ikalawang termino nito bilang alkalde sa lungsod.
Inihayag ito ng alkalde sa ginanap na inagural ceremony ng mga nanalong opisyal ng QC.
Pinangunahan ni Mayor Joy ang okasyon kasama sina Vice Mayor Gian Sotto at anim na kongresista sa lungsod at mga konsehal na ginanap sa Eduardo V. Manalo Convention Center sa lungsod.
Sa ikalawang termino ni Mayor Belmonte ay sinabi nito lalo pa niyang palalakasin ang social services, kalusugan, edukasyon, digitalization at economic programs na higit na pakikinabangan ng mga taga-lunsod
Sa kanyang inagural speech sinabi niya na sa social services pa lamang mula P9.8 Bilyong pondo noong 2019 ay dinoble ngayong 2022 na umabot sa P16.1 bilyon upang matulungang maiangat ang buhay ng mga nasa laylayan
Kasama din anya na makikinabang dito ang mga jeepney drivers at iba pang driver na higit na naapektuhan ng pagtaas ng halaga ng gasolina.
Magkakaroon ng dagdag na itatayong LGU owned hospital sa ibang distrito at palalakasin pa ang mga programang pangkalusugan sa mga barangay.
Higit pa anyang palalawakin ang mga programa sa edukasyon at pagpapasigla ng ekonomiya dahil sa mga nagawa ng mga programa para sa mga taga-QC.
Pinasalamatan din ni Mayor Belmonte ang mga taga-QC sa muling pagtitiwala sa kanya na mapangasiwaan ang lungsod na patunay lamang na walang katiwalian at walang nasasayang na pondo sa ilalim ng kanyang pangasiwaan.