Bodega ng sigarilyo, sinalakay

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga ahente ng Bureau of Customs (BOC) ang apat na Chinese natio­nals matapos na salakayin ang isang warehouse ng sigarilyo sa Cavite, na nagresulta rin sa pagkakakumpiska ng mga tobacco products at iba pang cigarette-making paraphernalia na tinatayang nagkakahalaga ng P256.5 milyon.

Nabatid na ang raiding team, na binubuo ng mga personnel mula sa Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) at Armed Forces of the Philippines (AFP), ay armado ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na inisyu ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, nang salakayin ang naturang bodega na matatagpuan sa Tanza-Trece Martires Road,  Brgy. De Ocampo, Trece Martirez, Cavite.

Sa tulong ng National Bureau of Investigation Special Action Unit (NBI SAU), naaresto rin ng mga awtoridad ang mga naturang dayuhan, na nakatakdang sampahan ng mga kasong may kaugnayan sa smuggling.

Nabatid na doble-kayod ngayon ang BOC sa pagtatrabaho kahit pa nakatakda nang mag-take over ang susunod na administrasyon, at sa gitna ng well-funded efforts para madungisan ang mga accomplishment ng kawanihan.

Tiniyak din ni Guerrero na ang ginagawang smear campaign laban sa kanila ay hindi hadlang upang gampanan nila ang kanilang tungkulin.

“The smear campaign against us will not deter us from doing our work. The goal remains the same, and that’s to pursue criminals who make a mockery of our laws,” dagdag pa niya.

Samantala, iniulat naman ni MICP chief Alvin Enciso na nakadiskubre ang kanilang grupo ng mga raw materials sa paggawa ng cigarette pro­ducts sa naturang operasyon.

Sinabi naman ni Customs Deputy Commissioner for Intelligence Raniel Ramiro, na siyang nangasiwa sa operas­yon, na kaagad na umaksiyon ang composite team matapos na makatanggap ng derogatory information at makakuha ng LOA/MO mula sa commissioner. 

Show comments