‘AYUDA’ program sa nawalan ng trabaho, inilunsad ng DPWH

Sinabi ni DPWH Acting Secretary Roger “Oging” Mercado na ilulunsad ang programa sa Disyembre 7 mahigit isang taon makaraang tumama sa bansa ang COVID-19.
STAR / Walter Bollozos, file

MANILA, Philippines — Nakatakdang ilunsad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Assistance to Youth and Unemployed for Development and Advancement (AYUDA) na layong tulungan ang mga Pilipino na nawalan ng trabaho ngayong pandemya.

Sinabi ni DPWH Acting Secretary Roger “Oging” Mercado na ilulunsad ang programa sa Disyembre 7 mahigit isang taon makaraang tumama sa bansa ang COVID-19.

Nagdulot umano ang pandemya ng pagsasara ng mga negosyo at industriya dahilan para milyon-milyong Pilipino ang mawalan ng trabaho.

“While the government had already relaxed restrictions which open the doors to resumption of business operations, the pandemic, however, is still far from over and job outlook for workers might still encounter a lot of challenges,” ayon kay Mercado.

Ipatutupad ito ng 16 na DPWH Regional Offices at 189 District Engineering Offices sa buong bansa.

Sinabi ni Mercado na layon nilang mabigyan ng trabaho ang kahit tig-iisang miyembro ng bawat pamil­yang mahirap at maging mga kabataan.

Ang mga benepisyaryo ay susuong sa mga trabaho sa maintenance tulad ng pagwawalis sa mga kalsada, paglilinis ng street signs, pagtatapon ng basura, at pagpipintura ng mga concrete barriers.

Show comments