Number coding sa Metro Manila balik na!

MANILA, Philippines — Muling paiiralin ang number coding pero sa mga pribadong sasakyan lamang at magsisimula ng alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi lamang.

Ito umano ang napagkasunduan ng Metro Manila mayors sa inaprubahang resolusyon kaugnay sa ‘reimplementation of the Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) or number coding scheme with modification”.

Sa ilalim ng modified number coding scheme, sinabi ni  Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos na iiral lamang ang modified number coding scheme tuwing weekdays o Lunes hanggang Biyernes, maliban kung holidays at  saklaw lamang nito ang mga pribadong sasakyan.

Exempted dito ang public utility vehicles (PUVs), Transportation Network Vehicle Services (TNVS), motorcycles, garbage trucks, fuel trucks, motor vehicles na nagdedeliber ng essential at  perishable goods.

Samantala, sinabi rin ni Abalos na ang pagpapatupad ng uniform light trucks ban ay may modification din o pagbabago.

Batay sa  UVVRP motor vehicle plate endings, ang mga light truck ay ipinagbabawal na dumaan sa EDSA sa pagitan ng Magallanes, Makati City at North Avenue, Quezon City, sa northbound at southbound mula alas- 5:00 ng madaling araw hanggang alas-9:00 ng gabi, Lunes hanggang Biyernes, maliban sa holidays.

Hinihintay na lamang na mailathala sa Official Gazette ang nasabing resolusyon para masimulan na ang reimplementation ng number coding scheme.

 

Show comments