Lider ng ‘Ipit Gang’, arestado

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang itinuturong lider ng isang grupo ng “Ipit Gang” na nambibiktima ng mga pasahero ng bus sa isang operasyon sa Sampaloc, Maynila nitong Miyerkules ng gabi.

Nakilala ang nadakip na si Erwin De Luna, lider ng notoryus na grupo na Ipit Gang na nag-ooperate hindi lang sa Maynila ngunit maging sa ibang parte ng Metro Manila.

Ayon kay Sampaloc Police Station 4- Warrant and Subpoena Section chief, PLt Joseph Villafranca, inaresto si De Luna sa kaniyang pinagtataguan sa Sampaloc sa bisa ng warrant of arrest sa kasong pagnanakaw.

Sinabi ni Villafranca na may apat na miyembro ang grupo ni De Luna at tatlo na sa kanila ang naaresto habang pinaghahanap pa ang isa.

Nagkakilala umano ang apat na magnanakaw sa isang concert at nagpasya na magtatag ng sarili nilang grupo sa pangunguna ni De Luna noong 2008 pa.

Modus ng grupo na iipitin ang isang matutukoy na biktima sa loob ng isang bus, kakalabit-kalabitin, babanggain at kapag nalingat ay tatangayin ang mahalagang gamit nito tulad ng cellular phone, wallet at alahas.

Show comments