Magnanakaw taob sa sipa ni ‘Jackie Chan’

MANILA, Philippines — Taob  sa malakas na sipa nang binansagang  ‘Jackie Chan’  sa Tondo, Maynila ang isang magnanakaw  na nag­resulta sa pagkakadakip nito.

Nangyari ang insidente  sa Brgy. 248, Maynila kung saan naglalakad si Victor dela Cruz nang mapalingon dahil sa narinig na komosyon sa likuran. Dito nakita niya ang isang lalaki na hinahabol ng mga kabarangay.

Sa CCTV video ng barangay, nag-pose pa si dela Cruz kagaya ng eksena sa ‘Karate Kid’ na pelikula bago pakawalan ang isang back kick nang lumagpas sa kaniya ang magnanakaw. Sapul ang suspek at napatihaya sa bangketa dahilan para abutan siya ng taumbayan at tuluyang madakip.

Dahil sa ipinakita, hanga si Brgy. 248 chairman RB Beltran at nagpasalamat kay Dela Cruz.  Ngunit nagpaalala siya sa publiko na delikado ang pagharang sa mga suspek sa mga kahalintulad na insidente dahil sa maaaring armado ang mga ito at magresulta sa panganib sa kanilang buhay.

Sinabi naman ni dela Cruz na naka-tsamba lang siya at nagulat din siya sa kaniyang nagawa.

Show comments