Common station na magdudugtong sa 4-rail lines sa NCR, 51% nang tapos

MANILA, Philippines — Ipinagmalaki ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na nasa 51% nang tapos ang konstruksiyon ng Common Station na itinatayo nila upang magdugtong sa apat na rail lines sa National Capital Region (NCR).

“After more than seven years of delay, COMMON STATION is now 51% complete,” ayon kay Tugade.

Tiniyak naman ng kalihim na sa ngayon ay nasa ‘full at accelerated pace’ na ang konstruksiyon ng common station na siyang mag-uugnay sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1), Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Line 7 (MRT-7) at Metro Manila Subway.

Sa sandaling maging operational, inaasahan ng DOTr na kayang magsilbi ng Common Station sa tinatayang aabot sa 478,000 pasahero araw-araw.

Noong Pebrero 2019, sinabi ng DOTr na target nilang maging operational ang naturang istasyon bago matapos ang taong 2020.

Gayunman, noong Abril sinabi ni Tugade na posibleng sa huling bahagi na ng 2021 magsimulang mag-operate ang naturang proyekto.

Show comments