Trader na pumatay sa girlfriend, arestado

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga awtoridad ang isang negosyanteng wanted sa  pagpatay sa kaniyang girlfriend na isang call center sa isang motel sa  Laguna  matapos na matunton ang pinagtataguan nito sa operasyon sa Valenzuela City kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela City Police Chief P/ Col. Ramchrisen Haveria, Jr. ang naarestong suspect na si Roscoe Alve, 36.

Si Alve ay pangunahing suspect sa  pamamaslang sa kanyang girlfriend na si Crisanta Magadia, noong Hulyo 2020.

Si Alve ay naaresto sa tinitirhan nitong bahay sa Kaypandan St., Canumay West, ng lungsod dakong alas- 12:30 ng madaling araw sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Jaime Banatin ng Biñan City, Laguna Regional Trial Court Branch 152 noong Disyembre 4, 2020  sa kasong murder at robbery with violence against or intimidation of  persons.

Walang inirekomendang piyansa sa pansamantala nitong kalayaan.

Ayon sa  pulisya, si Alve ay nakatala bilang top 15 most wanted person ng Police Regional Office 4A.

Batay sa rekord, si Magadia ay natagpuang walang buhay sa loob ng isang motel sa Biñan City, Laguna noong Hulyo 29, 2020 at may nakapulupot na kumot sa leeg nito.

Sa kuha ng CCTV ng motel, makikita ang pagpasok ni Magadia kasama  si Alve at makikita rin ang pag-alis ng suspek sa motel na may dalang bag dakong ala-1 ng madaling araw.

Show comments